NUCLEAR ENERGY PARA SA KINABUKASAN

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MATAGAL nang usapin ang paggamit ng nuclear energy para matugunan ang patuloy na lumalaking pangangailangan ng suplay ng kuryente sa bansa. At kamakailan nga, naging matunog ang ilang mga development na may kinalaman sa posibleng adoption nito.

Isa na rito ang pagpapatupad ng 123 agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na pinirmahan noong nakaraang taon. Inilalatag ng kasunduang ito ang legal na framework na makatutulong na mapabilis ang pagdating ng nuclear energy technologies sa bansa. Inaasahang makatutulong ang humigit-kumulang 40 kumpanya mula sa Amerika sa paggamit ng naturang energy source sa Pilipinas.

Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, ang kasunduan sa Estados Unidos ay magbubukas ng daan para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy sa pamamagitan ng pagpapalitan ng impormasyon, kaalaman, at teknolohiya na may kinalaman sa nuclear safety at security.

Ayon sa Department of Energy o DOE, kasalukuyan na ring tinatapos ng Nuclear Energy Program-InterAgency Committee ang nuclear energy program roadmap na kailangan para naman mailatag ang pangkabuuang plano sa paggamit nito sa bansa. Alam naman kasi natin na hangga’t wala ‘yan, patuloy pa rin ang mga agam-agam at pagdududa kung talaga bang kaya nating gamitin ang nuclear energy sa bansa sa ligtas at maayos na pamamaraan.

Sa ilalim ng 2023-2050 Philippine Energy Plan, inaasahang magkakaroon ng 1,200 MW na suplay ng kuryente sa bansa pagdating ng 2032 at madaragdagan pa ito ng 1,200 MW pagdating ng 2035, at 2,400 MW pagdating ng 2050.

Mismong DOE na rin ang nanawagan sa pribadong sektor na pangunahan ang pamumuhunan sa teknolohiyang ito na inaasahang makatutulong para masigurong magkakaroon ang Pilipinas ng sapat at maaasahang suplay na kuryente sa hinaharap.

May ilan namang kumpanya ang nagpahayag ng interes dito kagaya ng Meralco na nauna nang nakipagtulungan sa isang US-based na nuclear technology provider, ang Ultra Safe Nuclear Corporation, at kasalukuyan na silang nagsasagawa ng feasibility study para sa posibleng paggamit ng micro modular reactors o MMRs dito sa bansa.

Kasabay niyan, naniniwala rin ang Meralco na mahalagang linangin ang kakayahan ng mga Pilipino na gamitin ang teknolohiyang ito kaya nga naglunsad din ang kumpanya ng scholarship program para magkaroon tayo ng sarili nating nuclear engineers.

Nito ngang simula ng buwang ito ay ipinakilala ng kumpanya ang pilot batch ng mga iskolar na kinabibilangan ng limang empleyado na ipadadala sa US at China para maging nuclear engineers.

Sa ilalim ng Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering o FISSION, bibigyan din sila ng pagkakataong mag-intern sa iba’t ibang nuclear technology companies. Pagkatapos nito, siyempre babalik sila sa bansa sa taong 2028 para naman sa re-integration kung saan inaasahang ipa-practice na nila ang kanilang natutunan at kasanayan para naman isulong ang paggamit ng nuclear energy sa bansa.

Napakahalaga ng programang ito dahil hindi sapat na may teknolohiya at roadmap lang tayo. Importante rin talaga ang pagsasanay at edukasyon ng mga bagong henerasyon ng nuclear engineers.

Ayon sa Meralco, ang mga programa nito ay pagsuporta rin sa mga plano ng pamahalaan na isulong ang nuclear energy. Mahalaga kasi ang papel nito sa pagkakaroon ng mas sustainable at secure na energy future para sa Pilipinas.

Dahil ‘yan ay isa sa potensyal na magbigay ng malinis at epektibong solusyon sa lumalaking pangangailangan ng enerhiya ng bansa. Kaya nga napaka-kritikal ng suporta ng mga kumpanya tulad ng Meralco para matiyak ang tagumpay ng mga ganitong inisyatiba.

Makatutulong din ito para magkaroon pa ng maraming oportunidad para sa mga Pilipino, mula sa paglikha ng mga trabaho hanggang sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya.

145

Related posts

Leave a Comment