MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga kabayani!
Nagsimula na ang Overseas Absentee Voting (OAV) sa iba’t ibang panig ng mundo nitong Linggo, April 10 at may isang buwan ang ating mga kabayaning OFW na makaboto hanggang May 9.
Iba’t ibang sumbong at reklamo ang natanggap ng inyong lingkod mula sa OFW advocates at mga lider ng Filipino community na masusing nagbabantay sa botohan sa abroad para matiyak na walang dayaan at mahika sa mga balota.
Sa Hong Kong, inireklamo ng mga OFW ang mahabang pila sa Bayanihan Center sa Victoria Road, Kennedy Town na dahil sa dami ng mga botante ay hindi na ma-accomodate ng Philippine Consular office.
Ayon sa grupong Unifil-Migrante, lima lang sa halip na 10 ang vote-counting machines (VCMs) na ipinadala ng COMELEC sa consular office.
Libu-libo na ang nakapila sa presinto sa Bayanihan Center nang ianunsyo ni Philippine Consul General to Hong Kong Raly Tejada na 3,000 ang papayagan na makaboto noong Linggo.
Sa kabuuang bilang na 1,697,215 registered overseas absentee voters, nasa 93,000 overseas Filipino workers ang rehistradong botante sa Hong Kong.
Dahil sa pangyayari sa Hong Kong, umapela si Senadora Imee Marcos na palawigin ang oras ng botohan ng mga OFW sa mga embahada at konsulada ng Pilipinas sa abroad.
Babala ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, posibleng maulit ang mga napaulat na aberya sa unang araw ng botohan ng OFWs sa Hong Kong, United States, Italy, New Zealand at sa iba pang mga bansa.
“Wag na nating hintayin na kung kailan ‘last-minute’ o konting oras na lang ang natitira saka matataranta na maghanap ng remedyo. Libo-libong mga OFW ang mawawalan ng karapatan na makalahok o makaboto,” diin ni Marcos.
Sa Dubai, inabot ng anim na oras ang pila ng mga OFW na bumoto sa national candidates nitong April 10. Kung dati raw dedma lang sila sa eleksyon, ngayon nagtiyaga at masaya silang pumila kahit matagal para maiboto lang ang BBM-Sara UniTeam.
Sa North America, nabalam naman ang pagdating ng mga balota at iba pang election paraphernalia mula sa Manila dahil naipit sa Alaska.
Inamin ng COMELEC ang pagkukulang at pagkabalam ng botohan dahil sa problema sa shipping ng mga kagamitan sa halalan.
Dahil sa logistical problems sa pagpapadala ng mga material, ipinagpaliban sa ibang araw ang botohan sa Philippine embassies sa Wellington, New Zealand; Islamabad, Pakistan, at Dili, Timor-Leste, gayundin sa Philippine Consulates General sa Milan, Italy at New York.
Sa Shanghai, China, sinuspinde rin ang botohan dahil sa umiiral na mahigpit na COVID-19 lockdown.
Pinag-aaralan naman ng COMELEC ang overseas voting sa Iraq, Algeria, Chad, Tunisia, Libya, Afghanistan at Ukraine na may 127 registered voters.
Good News!
Sa exit polls sa Hong Kong, namayagpag sa 85 percent ng mga OFW ang bumoto kina UniTeam Presidential candidate Bongbong Marcos, Jr. at Vice-Presidential bet Sara Duterte.
Ipagpatuloy po natin ang pagiging mapagmatyag at ‘wag magpaloko sa mga nagpapakalat ng fake news at paninira sa mga kandidato.
Ang inyo pong lingkod ay nagbuo ng Bantay Boto Movement para sa BBM-Sara UniTeam upang matiyak na hindi na mauulit pa ang nangyaring malaking dayaan sa kasaysayan ng bansa noong 2016 elections.
Hangad po ng aming grupo na bantayan at pangalagaan ang ating mga boto para hindi na naman tayo maging biktima ng SMARTMATIC at COMELEC sa pagmanipula ng ating mga sagradong boto.
Nananalangin ako na sana’y malinis, mapayapa at mas kapani-paniwala na ang resulta ng eleksyon sa Mayo.
Para sa inyong sumbong, opinyon at suhestyon, ipadala lang sa aking email address: dzrh21@gmail.com.
114