OFW AT ABS-CBN, MAY UGNAYAN BA?

AKO OFW

SAMU’T-SARI ang naging reaksyon ng mga OFW matapos tuluyang  ipatigil  ng National Telecomunication Commision ang operasyon ng ABS-CBN nitong Mayo 4, 2020 dahil sa kawalan o expired na prangkisa.

Marami ang nagbunyi at umano’y ito na ang karma at kapusan ng “bias” na pagbabalita ng TV Patrol at ng iba pa nitong programa na sa pananaw nila ay masyadong kritikal sa ating pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ilan pa nga sa mga nagtatanggol sa ABS-CBN ay awtomatikong tinatawag na anti-Duterte o dilawan ng mga OFW at sector na “diehard supporter ni Pangulong Duterte.

Ngunit, maituturing ba talagang anti-Duterte ang mga OFW na nagsasabi ng kanilang saloobin o sama ng kalooban sa pagkawala ng mga programa ng ABS-CBN?

Sa aking pananaw, ay malaking kamalian na idugtong sa pulitika ang panghihinayang ng mga OFW sa pagkawala ng ABS-CBN sa himpapawid. Ito ay sa simpleng katotohanan na ang nasabing istasyon o mga programa nito ay naging parte nang buhay-OFW.

Maaring hindi pa ito lubos na mauunawaan o maaring hindi rin ito ang maging pananaw ng ibang OFW lalo na kung hindi nila naranasan ang mamuhay sa ibang bansa noong panahong wala pa ang The Filipino Channel (TFC) na kung saan ang mga programa ng ABS-CBN ay napapanood .

Noong 1993, na una akong magtrabaho sa Kuwait, ay panahon na hindi pa ‘available’ ang ‘cellular phones’,’ internet’ at lalo na ang TFC Channels.  Ang tanging paraan lamang para maka-ugnayan ang aming pamilya ay sa paraan ng sulat na dumaraan sa koreo na umaabot ng higit isang buwan bago matanggap at voice recorded tape na ipinapakidala lamang sa mga kakilala na patungo o pauwi mula sa Kuwait.

Ito ang panahon na kapag dumating ka sa ibang bansa, sa unang dating pa lamang at tatanungin mo sa sarili mo na bakit ka nga ba nag-abroad? Dahil ang unang mararamdaman mo talaga ay sobrang kalungkutan. Ito ang panahon na matapos mo manggaling sa trabaho ay ang tangi mong gagawin ay kumain at tingnan ang mga litrato na ipinadala sa iyo ng iyong pamilya. At sa susunod na araw pagpasok sa trabaho ay ang una mong pupuntahan ay ang administration department na kung saan dumarating ang iyong sulat.

Ang isa sa pinakamalungkot na mangyayari sa iyo ay ang lahat ng kasama mo ay may natatanggap na sulat at ikaw ay wala, hanggang sa darating ang pagkakataon na ayaw mo na makipag-unahan para alamin o hanapin kung may dumating na sulat para sa iyo.

Bukod sa sulat at voice recorded tape, ang aming libangan ay ang manood ng video sa Betamax at ng kalaunan ay ang malaking laser disk. Ngunit sa lahat ng ito, mananatiling manunumbalik ang iyong pananabik sa mga kaganapan sa Pilipinas. At dahil diyan, matapos ng 2 taon na kontrata ay agad na akong nagresign sa Ministry of Health (MOH) ng Kuwait na aking pinagtatrabahuhan.

Taong 2006, ako ay muling bumalik sa aking trabaho sa MOH-Kuwait. Sa pagdating ko sa Kuwait ay malaki na ang ipinagbago at ang aking unang  natuklasan ay mayroong TFC kung kaya’t hindi ko naramdaman na nasa ibang bansa ako. Ito ang maituturing kong isa sa maraming dahilan upang ako ay manatili nang mahabang panahon sa Kuwait na hindi naranasan ang pagkalumbay o ‘homesickness’.

At dahil sa hindi na nakakalumbay o nakakainip, mas nakakapag-focus ako sa aking trabaho at sa iba pang gawain sa komunidad.  Aminin man o hindi, may magandang naidulot sa mga OFW ang ABS-CBN lalo na sa panahon na ang mga OFW ay may ibig iparating sa ating gobyerno na mabilis na naihahatid ng mga batikang correspondent ng TFC.

 

73

Related posts

Leave a Comment