OFW NA LIMANG BUWAN NANG MINAMALTRATO

0

NAGPARATING ng sumbong hinggil sa pagmamaltrato si Michelle Viola na OFW sa Riyadh, Saudi Arabia, sa pamamagitan ng kanyang pamilya.

Ayon kay Michelle, nakarating siya sa Saudi Arabia noong Enero 22 ng taong kasalukuyan, sa pamamagitan ng Ozims Manpower Agency.

Isinumbong ni Michelle ang pagmamaltrato sa kanya ng kanyang amo na halos ­parang kalabaw na siyang ituring dahil hindi man lang daw siya binibigyan ng pagkakataon na makapag-pahinga.

Hindi rin diumano naibibigay sa kanya ang kanyang buwanang sahod.

Ngunit, ang mas labis na ikinasasama ng kanyang kalooban ay ang pananakit sa kanya ng kanyang among babae at maging ng anak nitong lalaki.

Sa “screen shot” ng mensahe na kanyang ipinadala sa kanyang asawa na si Joefrey Viola ay sinabi nito na: “hinampas ako, sinabunutan at sinakal, tinaas ang tainga ko at hinampas sa likod. Tinutulak ako at binato kung ano mahawakan ng amo ko… tapos ‘yung bata hinampas ako [sa] ulo…”

Ang sumbong na ito ni Michelle ay agad ­nating ipinarating sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hanggang sa OWWA Riyadh welfare ­officer.

Samantala, dumulog sa AKOOFW si Arjhay Calano na nagtatrabago rin sa Riyadh, Saudi Arabia.

Setyembre 2015 pa siya nang magtrabaho bilang ­radiologic technician sa nasabing bansa.

Masidhi ang kanyang kahilingang makauwi sa Pilipinas.

Ngunit, dahil sa kasong kanyang kinakaharap sa pulisya ay hindi siya makalabas ng Saudi Arabia.

Ang problema ni ­Arjhay ay ipinarating ko rin sa OWWA upang umugnay sa Assistance to National Unit (ATN) ng Philippine Embassy.

Sa pinakahuling impormasyong aking natanggap mula sa OWWA sa Riyadh, si Arjhay ay kanilang sinamahan sa Al Wurud Police Station.

Nabatid ng OWWA na ang kaso ni Arjhay ay inaasikaso na ng ATN.

Ngunit, dahil ang ATN Officer na naka-assign kay Arjhay ay nagpositibo sa COVID – 19, nagkusang loob na si Welfare Officer Bernard John Bonnet na samahan si Arjhay upang alamin at pakiusapan ang mataas na opisyal sa presinto na matanggal na ang hold departure order nito at mapayagan si Arjhay na makasama sa repatriation flight ng gobyerno ng Pilipinas.

Inaasahan natin ang pag-uwi ng dalawa nating kabayani sa lalong madaling panahon

oOo

KUNG mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa ­inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa: saksi.ngayon@gmail.com, o drchieumandap@yahoo.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment