OFW PARTY-LIST, KUMILOS NA SA WAKAS

RAPIDO NI TULFO

SA aking panayam kay BOC Asst. Commissioner Atty. Vincent “Vince” Maronilla, sinabi nito na malapit nang lumabas ang mga dokumento ng “Deed of Donation” na ibinalik lang sa kanila ng DMW o Department of Migrant Workers, para baguhin ang ilang nakasaad dito.

Bilang katunayan ay si Finance Sec. Ralph Recto na raw ang nagpa-follow-up sa kanilang ahensiya para agad na mapabilis ang proseso at mapirmahan niya ito.

Sinabi pa ni Atty. Maronilla, nakalinya nang buksan ang natitirang siyam na containers sa MICT para matapos na ang imbentaryo ng containers na kasalukuyang nakalagak doon.

Hindi na magtatagal at mailalabas na rin mula sa Port of Davao at Manila ang kabuuang dalawampu’t limang (25) containers mula Kuwait na mahigit isang taon nang nakatengga sa BOC ports.

Nakaantabay naman tayo sa ipatatawag na pulong ng Department of Migrant Workers sa pangunguna ni Dir. Francisco Aguilar, kasama ang DDCAP na pinamumunuan ni Mr. Joel Longares, upang pag-usapan ang pagpasok ng grupong ito sa delivery ng mga kahon.

Maganda ang desisyon ng DMW na ipa-deliver na lang ang balikbayan boxes na ito kaysa naman ipakuha pa sa recipients nito. Isa pa, magiging malaking sakit ng ulo sa DMW kung sistema ng pickup ang kanilang gagawin dahil sa rami ng containers involved.

Nasabi ko na dati sa aking programa na kung maglalabas din lang ng pera ang gobyerno, bakit hindi na lang ipasa sa DDCAP ang problema. Kaysa naman umupa pa ng warehouse ang DMW para sa pamimigay ng mga kahon.

Wala pong bayad ang delivery dahil sasagutin ito ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Nabanggit din ni Atty. Vince ang kanilang magaganap na pulong sa OFW Party-list na pinangungunahan ni Cong. Marissa Del Mar-Magsino dahil ipinatawag daw sila nito regarding the issue.

Mabuti naman kung ganoon! Dahil ilang beses na rin nating nasambit sa ating programa na kailangang makialam ang OFW Party-list sa naturang problema dahil sila ang kinatawan ng OFWs sa Kamara.

58

Related posts

Leave a Comment