OFW PENSION PLAN ABOT-KAMAY NA SA BAGONG SENATE BILL 2234

KAPAG tuluyang naaprubahan ang Senate Bill 2234 ay magiging abot-kamay na ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pagkakaroon ng sariling departamento ang mga OFW.

Nitong nakaraang Mayo 25 ay pormal nang nagbigay ng “Sponsorship Speech” si Senador Joel Villanueva, pinuno ng Senate Committee on Labor and Employment upang i-report ang nilalaman ng Committee report na produkto ng pinagsama-samang senate bills ng mga senador para sa pagbubuo ng Department of OFW.

Bagama’t may ilang nalungkot at nagalit dahil diumano ay binalewala ng Senado ang kahilingan ng mga OFW na dapat na malinaw na nakalagay ang katagang OFW sa pangalan ng departamento, ay marami rin ang mga OFWs at mga leaders ang natuwa dahil sa kahit papaano ay magkakaroon na ng katuparan ang matagal ng hinihiling ng mga OFW sa pagkakaroon nito ng sariling department o sariling tahanan ng mga OFW.

Sa panukalang Senate Bill 2234, ang departamento ay tatawaging Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF). Sa panukalang batas na ito ay malinaw na ­itinatadhana na aakuin na nito ang lahat ng tungkulin at obligasyon ng ­Philippine Overseas ­Employment Administration (POEA). Sa ­maikling salita ay nilusaw na nito ang POEA.

Samantala ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay ­mananatiling isang buong ahensya na ­mangangalaga sa pribadong pondo ng mga miyembrong OFW na direktang nasa ilalim ng pangangasiwa ng uupong kalihim ng DMWOF.

Sa sponsorship speech ni Sen. Villanueva, ay kinilala niya ang iba’t ibang NGO na na­ging parte sa lahat ng mga pagdinig sa Senado at Technical ­Working Group (TWG) ­meetings at ­kabilang sa kanyang nabangit ay ang Advocates and Keepers ­Organization of OFW (AKOOFW).

Naging masigasig sa pagdalo ang AKOOFW sa lahat ng mga ­ipinatawag na hearing sa ­kongreso at sa senado dahil sa layunin nitong maisulong ang mga kahilingan ng mga OFW ­katulad ng OFW Pension Plan. Kung kaya, labis-labis ang ­kaligayahan ng AKOOFW ng marinig mismo kay Sen. Villanueva ang panukalang batas na kung saan ay malinaw na isinaad dito na ang pondo ng OWWA ay gagawin na lamang bilang “Provident Fund” na kung saan ay gagamitin lamang ito sa retirement , death at disability benefits.

Ngunit, ang pagbabagong ito ay hindi labis na ­tinatanggap ng mga OFW, dahil sa kung ililimita ng batas ang tungkulin ng OWWA na tanging provident fund na lamang ang pondo nito ay malamang na mawala ang kasalukuyang pinapakinabangan na programa ng mga OFW katulad ng scholarships, livelihood program na katulad ng Balik Pinas, Balik Hanap-buhay at ang Tulong Puso.

Dahil dito, ang AKOOFW ay muling nanawagan sa mga Senador na ikonsidera ang kanilang naunang desisyon na limitahan ang paglalaanan ng OWWA Fund, bagkus, imbes na ito ay maging provident fund lamang ay idagdag din na ito ay mailaan sa welfare fund.

Hinihiling din ng mga OFW na dapat na maglagay rin ng dagdag na pondo ang gobyerno sa kasalukuyang 18.3 Bilyon na pondo ng OWWA.

Dahil kung ang pondong ito ng OWWA lamang ang aasahan para sa retirement plan, malamang na sa 2 Milyon na miyembro nito, ay maubos , masaid na agad ang pondo ng OWWA.

Ang AKOOFW ay patuloy na magmamatyag at nakaantabay para dumalo sa mga susunod na pagpupulong ng senado lalo na sa malamang na maganap na Bicameral meeting nito upang masiguro na tugma sa tunay na pangangailangan ng mga OFW ang magiging bagong batas na Senate Bill 2234.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

120

Related posts

Leave a Comment