OFW SA KUWAIT NAGPAPASAKLOLO

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG sumbong ang ating natanggap mula sa isang OFW sa bansang Kuwait na sinasaktan umano ng kanyang amo.

Ayon kay OFW Berna ­Amonicio, nakarating siya sa Kuwait sa pamamagitan ng AAV Talent Manpower Agency at ang kanya namang Kuwait Recruitment Agency ay ang Boubyan Office Agency, noong Hunyo 22, 2022.

Isinumbong ni OFW ­Amonicio ang sobra-sobrang pagod na kanyang nararanasan dahilan kung bakit siya nagsusuka ng dugo. Diumano ay 17 ­miyembro ng pamilya ang kanyang pinagsisilbihan gayong ayon sa kanyang kontrata ay dapat ay 7 tao lang ang ­miyembro ng pamilya ng kanyang ­employer.

Mag-isa niyang ginagam-panan ang lahat ng trabaho sa tahanan ng kanyang amo at maging ang bawat miyembro ng pamilya nito ay may kanya-kanya pa rin na inuutos na kinakailangan niyang gampanan din.

Sinabi rin nito sa kanyang liham, “Ako po ay sinaktan ng amo ko kasi ay nawala ‘yong ATM niya, pinahanap niya sa akin, hindi ko nakita, sinabihan n’ya akong crazy, tapos ‘yong ulo ko, ginalaw niya pati braso ko, dalawang beses niya ako sinaktan, sa kusina naman, inambaan ng kutsilyo. Ngayon ma’am, may sakit ako, limang araw na ­ngayon, kagabi pa nagbigay ng gamot na malala na sakit ko. Dinala n’ya ako sa doctor, sinabihan ko ang doctor na nagsuka ako ng dugo, sabi pa niya sa doctor, drama daw.

Nakiusap na po akong ibalik na lang ako sa agency pero ayaw po nila. Ang sabi po ng ­aking agency, magbabayad daw po ako sa aking amo ng KD890 ‘pag magpabalik sa agency.”

Sa mensahe na aking ­natanggap ay nagbanta rin si OFW Amoncio na magpapakamatay kung hindi siya ­tutulungan na makaalis na sa kanyang amo.

“MAAWA PO KAYO SA AKIN, TULUNGAN NYO PO AKONG MAKAUWI NG PILIPINAS DAHIL SUMUKA NA PO AKO NG DUGO. Pagod na po ako, walang pahinga dito, ­ilang oras lang tulog ko, masakit talaga ulo ko ma’am. Nanlalamig at giniginaw na po ako. Ayaw po akong tulungan ng aking agency. Gusto ko na po magpakamatay.”

Sa hangarin na mabuksan ang mga mata ng mga dumalong opisyal ng Kuwait sa kalagayan ng mga OFW roon, ang problemang ito ni OFW Amoncio ay kabilang sa mga kaso na inilahad ng ating AKO-OFW Kuwait Chapter Officer Aiysha Consuelo sa nakaraang 18-Day Campaign to End Violence Against Women, na dinaluhan ng mga representante ng Philippine Embassy at United Nation-Kuwait.

Sa pinaka-lates na impormasyon na aking natanggap ay nagsabi ang ahensya nito na maghintay na lamang ng 15 days pa dahil umano wala itong perang pambayad sa ibabalik na pera sa amo nito .

***

Kung kayo ay may nais na iparating na pagbati o sumbong ay ipadala lamang ang inyong sulat sa pamamagitan ng email sa drchieumandap@yahoo.como saksi.ngayon@gmail.com

51

Related posts

Leave a Comment