OFW SA RIYADH, HINDI NA HAPPY SA HAPPY WORLD AGENCY

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

NAKARATING sa ating pahayagang Saksi Ngayon ang sumbong ng isa nating kabayani sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.

Ang liham ay nagmula kay OFW Flordelis Iscuerdo na nakarating sa nasabing bansa noong Nobyembre 7, 2021 sa pamamagitan ng Happy Word Manpower Agency.

Ayon kay OFW Iscuerdo, may matindi siyang iniindang karamdaman na lubhang nakakaapekto sa kanyang pagtatrabaho. Kabilang na rito ang kanyang dinaramdam na urinary tract infection o UTI at maging ang pagtaas ng kanyang uric acid na dahilan ng kanyang mahirap na paglalakad.

Ang masaklap sa kalagayan ni OFW Iscuerdo, kahit na siya ay nahihirapan dahil sa kanyang sakit ay pilit pa rin siyang pinagtatrabaho ng kanyang amo kahit pa siya ay makiusap na magpahinga kahit ilang minuto lamang.

Nagkaroon siya ng pagkakataon na makapagkonsulta sa doctor sa klinika at kinumpirma nito na siya ay may UTI. Dahil dito ay nakikiusap si OFW Iscuerdo na saklolohan siya ng kanyang ahensya at pauwiin na lamang sa Pilipinas dahil sadyang hindi kaya ng kanyang katawan ang matinding pagod at karamdaman na kanyang pinagdaraanan.

Ayon kay OFW Iscuerdo, “Sana po sir, ay tulungan n’yo po ako makauwi sa Pilipinas. Need ko po talaga ng urgent na rescue. Nagsabi na po ako sa aking ahensya pero wala silang magawa, samantala ang aking ahensya sa Damman ay nagagalit pa sa akin at ayaw akong kunin sa aking amo. Kayo na lang po ang aking pag-asa para ako’y makauwi bago pa dumating ang aking kinatatakutan”.

Ang sumbong at pakiusap na ito ni OFW Flordeliz Iscuedo ay agad nating ipinarating sa OWWA E-cares upang makipag-ugnayan ito sa ahensya at sa ating masisipag na Welfare officers sa Riyadh, Saudi Arabia.

Samantala, isang mensahe ang aking natanggap sa aking Messenger na kung saan ay sobrang nakikiusap ang isang anak ng OFW upang alamin ang kinaroonan ng kanyang nanay na si Ermie Mongoc na ang kanilang huling pagkakaaalam ay nasa bansang Kuwait.

Diumano, dati naman ay regular itong tumatawag o nagmemensahe sa kanila, ngunit simula pa noong Oktubre 27 ay bigla itong hindi na nagparamdam sa kanila. Sinubukan nilang makipag-ugnayan sa ahensya na MMML Recruitment Services ngunit maging ito ay hindi masabi ang sitwasyon ni OFW Mongoc.

Ang pakiusap na ito ng anak ni OFW Mongoc ay agad nating ipinarating kay OWWA Welfare Officer Genevieve Aguilar-Ardiente.

***

Kung kayo ay may nais na iparating na pagbati o sumbong ay ipadala lamang ang inyong sulat sa pamamagitan ng email sa drchieumandap@yahoo.como saksi.ngayon@gmail.com.

48

Related posts

Leave a Comment