LABIS-LABIS na takot ang nadarama ngayon ng isang OFW na nasa Kuwait dahil sa banta ng kanyang employer na puputulin ang kanyang daliri at pupunitin ang kanyang passport sa oras na siya ay magreklamo at magsumbong.
Ito ang ang ipinarating sa Ako OFW ng kabayani natin na itago natin sa pangalan na “Em-em Pie” na kasalukuyang nasa bansang Kuwait. Siya ay nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng Dream Builders Int’l Manpower Corp. noong Nobyembre 19, 2018.
Ang lahat ng gastusin kasama ang kanyang uniporme at pagkain ay sa kanyang suweldo rin diumano kinakaltas. Eto ang maikling kwento ni Kabayani Em-Em Pie.
“Ganito kasi noong time na nagduwal ako at nagdura ay may sumamang dugo, pero sinabi ko sa amo ko. Agad naman akong dinala sa doktor. May nakita sila sa X-ray ko na may kaun-ting tama ang baga ko at ito’y tinawag nila na bronchitis.
“Noong September 11 ng gabi nagpahinga ako kasi masakit ang mga namamaga sa akin. Hindi ako pumunta sa bahay niya, pinatawag ako ng isang katulong dito tapos pumunta ako. Noong nakarating na ako sa bahay niya ay nagalit at pinagsisigawan niya ako. Tapos tinulak-tulak n’ya ako at halos masubsob ako. Inaawat ng kapatid n’ya na ‘tama na’ sa salitang Arabic. Hindi siya tumigil na pinagsasalitaan ako nang masama sa Arabic. Noong tapos na ako maghugas ng plato at nalinis ko na ang kwarto ng anak n’ya ay sinabihan ako na ‘sige na tulog ka na’ tapos tinulak n’ya ako sa may pinto. Tapos ‘teka’ ang sabi, hinugot ang cp ko sa bulsa ko at tinanggal ang hikaw ko sa tainga ko. Tapos sinabi na ‘gising ka nang maaga, punta ka rito’, sabi ‘kapag hindi ka dumating dito ng 7:00 AM ay pupunitin ko ang passport mo.”
Makalipas ng halos isang buwan ay nagpasama sa ahensya si OFW Em-Em Pie sa Kuwait upang ipaalam ang kanyang karamdaman. Ngunit ayon kay OFW Em-Em Pie ay kinuha lamang ng ahensya ang resulta at sinabihan siya na normal lamang ang findings na nakasulat kahit siya ay nanghihina at sumasakit ang mga namamagang parte ng kanyang katawan.
Nakikiusap ang Ako OFW sa kanyang ahensya na Dream Builders Int’l Manpower CORP na alamin ang tunay na kalagayan ng ating kabayani at siguruhin na nasa mabuti itong kalagayan at baka naman may batayan ang kanyang sumbong at reklamo. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
271