OFWs NA KALUNOS-LUNOS ANG KALAGAYAN, SASAKLOLOHAN

AKSYON NI CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON

ISANG magandang balita para sa mga manggagawa na nagtatrabaho sa ibang bansa, ang pagpaunlak ng butihing kongresista sa ating programang Bantay OFW.

Dito ay idinulog natin sa kanya ang hindi pangkaraniwang suliranin na nararanasan ng mga distressed OFW.

Ang naturang problema ay nangangailangan ng sapat na salapi upang masagip ang ating mga kababayan o maisalba sa pagkakakulong at pagkakabaon sa malaking utang.

Kinumpirma ng nasabing kongresista na hindi pwedeng gamitin ang pondo ng gobyerno upang bayaran ang personal na pagkakautang ng ating mga OFW.

Samakatuwid, walang inaasahan na tulong ang ating mga kababayan mula sa gobyerno ng Pilipinas kapag ang pinag-usapan ay pera.

Marami kasi sa ating kababayan ang naapektuhan ng Saudization Policy at iba ay nawalan bigla ng trabaho sa kalagitnaan ng pagbabayad nila ng kanilang mga pagkakautang sa bangko. Wala na silang kakayahang magbayad at hindi na makakukuha ng clearance upang makapagtrabaho muli dahil sa nasabing utang.

Ilang ulit na tayong nananawagan ng tulong sa OFW na itatago natin sa pangalang Mr. Frias. Ang kanyang asawa ay isa ring OFW sa Saudi Arabia.

Sila ay nagkaroon ng anak bago tamaan ng sakit ang kanyang asawa. Noong kasagsagan ng pandemya, halos hindi na sila nilubayan ng kamalasan sa buhay.

Nagkaroon din ng sakit si Mr. Frias at matagal na niya itong iniinda. Dahil parehas na walang trabaho ang mag-asawa, naging mahirap ang kanilang kalagayan maski sa mga pangangailangan nila sa araw-araw.

Umaasa na lamang sila sa tulong ng kanilang mga kaibigan at kapwa OFW. Humingi na sila ng tulong sa iba’t ibang tao at ilang departamento ng gobyerno subalit hindi sila nabigyan ng agarang tulong. Ilang taon na ang nakararaan at mas lalo lamang sila nabaon sa utang.

Sa kabutihang loob ng ilan nating mga kababayan, napauwi ang kanyang mag-ina. Sa ngayon, wala na siyang natitirang pag-asa at nagsabi na baka abutan na lamang ito ng kanyang kamatayan sa Saudi dahil wala rin itong pampagamot sa kanyang karamdaman.

Mas bumibigat ang kanyang kalagayan kapag naiisip niya na lalong lumalala ang karamdaman ng kanyang asawa at wala itong pera na napapadala para sa pagkain ng kanyang mag-ina.

Ganito rin ang sinapit ng mga kababayan natin na kasalukuyang nakakulong dahil sa pagkakautang o atraso sa kanilang mga amo. Ang listahan na hinihingi ng kongresista ay maaring makapagbigay ng tugon sa mabibigat na problema ng ating mga OFW.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com

30

Related posts

Leave a Comment