OFWs, PATUNAYANG BAYANI

Badilla Ngayon

MATAGAL nang itinuring na “bayani” ng modernong kasaysayan ng Pilipinas ang overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa natatanging ambag nila sa ekonomiya ng bansa.

Ang OFWs ang sumalo sa ekonomiya ng bansa noong panahon ng termino ni Corazon Cojuangco Aquino sapagkat bagsak na bagsak ang ekonomiya natin noon.

Dahil sa padalang pera ng mga manggagawang Filipino mula sa iba’t ibang bansa ay hindi naging literal na ‘zero’ ang gross domestic product (GDP) sa panahon ni Aquino.

Mula kay Aquino hanggang sa kasalukuyang panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ‘signipikante’ at ‘estratehiko’ ang papel ng OFWs sa ekonomiya ng bansa.

Sa rekord ng National Economic and Develoment Authority (NEDA), 9.3% ang inambag ng OFWs sa 5.9% GDP ng bansa nitong 2019.

Kahit sa ilang programa ng pamahalaan ay gusto ng mga opisyal ng pamahalaan na kasamang ‘tutulong’ ang OFWs.

Gusto nilang pasanin din ng mga OFW ang napakalaking suliranin ng bansa tungkol sa kahirapan ng milyun-milyong Filipino tulad ng pagbabayad ng ‘premlum’ sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sa reyalidad ay hindi napapakinabangan ng mga OFW.

Ang utos na ito sa implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act No. 11223 o Batas Universal Health Care (UHC) ay magbayad ng premium ang mga OFW.
Magiging bahagi ng pondo ng programang UHC ang bayad ng OFWs.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) at PhilHealth, sa pangunguna ni Health Secretary Francisco Duque III, sapagkat walang nakasulat sa mismong R.A. 11223 na bahagi ng programang UHC ang mga OFW.

Pansamantalang ipinatigil ni Duterte ang naturang probisyon ng IRR, ngunit hindi nangangahulugang tuluyan nang hindi magbabayad ng premium ng PhilHealth ang OFWs.

Kaya, hindi pa tapos ang pakikibaka ng mga OFW laban sa nasabing usapin, sabi nga nina Celerino “Chie” Umandap, tagapangulo ng Advocates and Keepers Organization of OFW Inc. (AKO OFW), Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, at Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM).

Totoong malaki ang sahod ng mga taong nagtatrabaho sa ibang bansa kumpara rito sa ating bansa.

Higit ngang malaki ang suweldo ng mga kasambahay sa ibang bansa kaysa guro sa pribadong paaralan dito sa Pilipinas.

Ngunit, hindi ito batayan upang bawasan nang bawasan ang kita at ipon ng OFWs upang tustusan ang buhay ng mga pinakamahihirap.

Hindi ito dahilan upang ‘regular’ na “holdapin” ang mga OFW.

Tandaan nating lahat na krimen ang mangholdap sa kapwa tao.

Kung paninindigan at kung hindi babaguhin ng DOH at PhilHealth ang IRR ng Batas – UHC ay walang ibang ibig sabihin ito, kundi hindi kinikilala ng pangkat ni Duque ang pagiging bayani ng mga OFW.

Hindi na nga lubusan ang pag-asikaso ng administrasyong Duterte sa OFWs ngayong panahong libu-libo sa kanila ang nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), biglang kinana ng DOH at PhilHealth ang OFWs.

Ang tulong lang ng pamahalaan sa OFWs ngayong panahon ay ang P10,000 ayudang pera mula sa programang AKAP ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Isang beses lang ito, hindi katulad ng Social Amelioration Program (SAP) para sa 23 milyong pinakamahihirap na mga pamilyang Filipino at Small Business Wage Subsidy (SBWS) para sa 3.4 milyong manggagawa sa mga maliliit na negosyo na pareho pang dalawang beses makatatanggap ang mga tulong sa loob ng dalawang buwan.

Sa kasalukuyan, 250,000 OFWs lang ang makikinabang ng programang AKAP, sapagkat sabi ni DOLE Secretary Sylvestre Bello III ay sa 250,000 tao lang kasya ang kanilang pondo.

Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pinamumunuan ng “bata” ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III na si Hans Leo Cacdac simula pa noong Oktubre 2016 ay walang pakialam sa OFWs sa kasalukuyang panahon.

Ang P20 bilyong OWWA Trust Fund, kahit ilang milyon o bilyon lamang nito, ay hindi nakatakdang ipamahagi sa mga OFW ngayong direktang apektado sila ng COVID-19.

Nang manawagan si Senador Franklin Drilon sa OWWA na ipamahagi ang P20 bilyon OWWA Trust Fund sa mga OFW dahil kapos na raw ang pondo ng pamahalaan, hindi buong P20 bilyon ang nasa isip ng senador ng Liberal Party (LP).

Walang espesikong halagang tinumbok si Drilon, ngunit pihadong hindi buong P20 bilyon, ayon sa tanggapan ni Drilon.

Maaaring maglabas ng P2 bilyon ang OWWA upang 200,000 OFWs pa ang mabibigyan ng tig-P10,000 bawat isa.

Sa gayon, aabot sa 450,000 OFWs ang maayudahan, kasama na ang 250,000 nabigyan ng DOLE.

Ngayong panahong nahaharap sa matinding suliranin ang Pilipinas ay napakabuting patunayan ng administrasyong Duterte, partikular ng OWWA na bayani ang OFWs, hindi lang sa magaganda at mabulaklak na mga salita, kundi higit sa lahat ay sa gawa.

128

Related posts

Leave a Comment