OMICRON: PARATING O NARITO NA?

MAY sapat na dahilan para mabahala ang sambayanan sa kinatatakutang pananalasa ng bagong bantang dala ng Omicron variant.

Kung susuriing maigi ang pahayag ng Philippine Genome Center (PGC), posibleng mayroon nang Omicron ­variant sa bansa. Anila, inaasahan na nila ang detection ng nasabing ­COVID-19 ­variant of concern sa mga darating na araw o linggo.

Ayon mismo kay Dr. Cynthia Saloma na tumatayong executive director ng PCG, hindi maiiwasan ng bansang Pilipinas ang pagpasok (kung hindi man nakapasok na) ng Omicron ­variant.

Katunayan, oras na lamang aniya ang hinihintay.

Sa kanyang tinuran, higit na dapat ang ibayong pag-iingat ng publiko lalo pa’t pinili ng pamahalaang ibaba ang alert level sa malaking bahagi ng bansa sa hangaring pasiglahing muli ang subsob na ekonomiya.

Ang masaklap, tila nawaglit na yata sa atensyon ng pamahalaan ang kinahaharap na peligrong dala ng Delta variant na nakitang tumama sa 99.99% ng mga sinuring samples mula sa mga pasyenteng nagpositibo.

Ang tanong – handa ba tayo sa pagdating ng Omicron variant na ayon sa mga pag-aaral ng mga eksperto ay 500 ulit na mas nakahahawa kaysa Delta variant.

Sa puntong ito, mukhang mabubulilyaso pa ang inaasam na masayang Pasko at Bagong Taon sa sandaling mag-umpisang manalasa nang higit na maraming Pilipino ang mas nakahahawang Omicron variant na banta maging sa mga bakunado.

Balik-lockdown ba ulit ang ­solusyon ng gobyerno?

2

Related posts

Leave a Comment