Kung mayroong isang ahensya ng gobyerno na mahirap pamahalaan, ito ay ang DOTr (Department of Transportation). Lahat ng uri ng transportasyon pandagat, panghimpapawid, pangkalye, railway systems, ay responsibilidad nito.
Kaya’t kung may trahedya sa dagat, sa himpapawid, aksidente sa daan at railways kasama sa sisi ang ahensya. Subalit sa araw-araw ang pinakamalaking delubyo na kanilang kinakaharap ay ang reklamo sa malalang trapik, hindi lang ang publiko ang apektado pati na ang ekonomiya ng bansa.
Iba’t ibang administrasyon na ang nagdaan, at marami na rin ang kalihim na namuno rito subalit wala pa ring matinong solusyon kung paano ayusin ang daloy ng trapiko sa Metro Manila lalo na sa EDSA.
Higit sa 350 libo katao ang gumagamit ng EDSA araw-araw.
Sa isang pag-aaral higit sa 3 bilyong piso ang nawawala sa ekonomiya araw-araw dahil sa matinding dulot ng trapiko.
Kaya naman ang DOTr kasama ang ibang ahensya ay tulung-tulong kung paano ang solusyon sa problema sa trapiko. Si Pangulong Duterte ay tila sumuko na rin at bigong solusyunan ang daloy ng trapiko, pero binalingan niya ang Kongreso na nabigong ibigay sa kanya ang emergency powers.
Sa kabilang banda, mayroon na lamang 27 araw ang natitira bago ang deadline ng DILG sa Metro Manila mayors na alisin lahat ng obstructions sa public roads, kung hindi ito gawin mananagot ang local officials.
Para sa iba hindi na dapat ito binibigyan ng deadline dahil trabaho naman daw talaga ito ng local officials katulong ang ibang ahensya ng pamahalaan. Sana lang, hindi ningas kugon ang mga napapanood natin sa media na inaalis unti-unti ang road blocks sa Metro Manila.
Isang grupo naman ng engineering consultancy firm ang nagpanukala rin sa DOTr na gawing one-way southbound na lamang ang EDSA, at one-way northbound naman ang C-5 upang mabawasan ang mga sasakyan na dumaraan dito at bibilis ang takbo ng lahat ng mga sasakyan dahil isang direksyon.
Pero wala pang detalye at malalim na pag-aaral kung tama ba ang solusyon na ito, at lumalabas na mas marami ang tanong kaysa sa proposisyong ito.
Sa ilalim ng Build Build Build program walang tigil din ang paggawa ng tulay, pagpapalapad ng daan, skyway, at maging ng subway, bilang mass transport systems. Pero hindi lamang ang mga ahensya ang dapat na nag-iisip, sa solusyon ng trapiko. Naalala ko ang sinasabing formula ng 3-Es sa paglutas sa trapiko Enforcement, Engineering, at Education. Ngunit, tila kulang pa ng isang E, Evaluation para suriin kung tama, epektibo, at Maging waIs nga ang solusyon.
Para sa komento at suhestiyon maaaring mag email sa Ilagan_ramon at yahoo.com o di kaya ay mag mensahe sa FB: Mon Ilagan account Two. (Maging waIs Ka! / Mon A. Ilagan, MPM)
214