ONLINE SEXUAL EXPLOITATION, BAGONG VIRUS SA BANSA

DUMAMI ang kaso ng online sexual exploitation sa kabataan habang nasa gitna nang pana-nalasa ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Nitong nakaraang buwan ng Abril at Mayo, walang pasok sa mga eskuwelahan ang mga kabataan kung kaya’t nasa bahay lang sila.

Hindi rin sila makalabas sa kanilang mga bahay basta-basta dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong bansa.

Wala silang pinagkakaabalahan kundi mobile phone at internet sa kani-kanilang mga tahanan kaya may mga nasadlak sa kanila sa online sexual exploitation na kadalasan pa ang nasa likod ay malapit nilang kamag-anak.

May mga nagsasabi na kaya sila napilitang gumawa nang kalaswaan ay dahil sa gutom na dinaranas nila ngayong patuloy ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Idinadahilan nila na “kumakapit sila sa patalim” kaya nila nagagawa ang online sex.

Karamihang parokyano ng mga kawawang kabataan na ito ay pawang mga puti mula sa Australia at Amerika.

Sa pamamagitan ng pag-online sa internet ay nakakagawa na nang kalaswaan ang mga dayuhang ito habang nasa Pilipinas ang bata na nakikipag-chat sa kanya.

Kapalit nito ang pera na ibibigay ng dayuhang parokyano sa bata.

Hindi lang babaeng bata ang biktima ng online sex exploitation subalit maging mga kabataang lalaki.

Ayon sa Child Rights Network (CRN), naging abala ang mga kabataan sa internet ngayong may krisis kaya madali silang nabiktima.

“With the widening availability of internet connection in the Philippines, and with the ECQ prompting children to spend more time online, sexual predators can find it easier to prey on children,” sabi pa ng CRN.

Sila pa man din ang pag-asa ng ating bayan, paano na ngayon?

Ito ang tinatawag na ‘secret epidemic’ sa bansa ngayon tanging “bugaw” at biktima ang nakakaalam. Ang masakit dito, kadalasan ay kamag-anak ng biktima ang nagsisilbing bugaw na nakikipag ugnayan sa parokyano at siyempre, tumatanggap ng pera.

May mga kabataan din na nakararanas ng iba pang uri nang pang-aabuso tulad nga online sexual grooming, livestreaming at creation, production at distribution ng child sexual abuse and exploitation materials ng pedophiles at predators.

Nagpahayag nang pagka-alarma si Commission on Human Rights (CHR) spokesperson Jacqueline de Guia sa kanilang natatanggap na reports kaugnay sa ‘online sexual harassment’ laban sa mga kababaihan kasama na ang mga menor de edad.

Tinukoy ni De Guia na mismo sa facebook ay may pribadong grupo na kung saan ang kanilang members ay nagpo-post at nagpapakalat ng materials na walang pahintulot sa may-ari, maging ang explicit videos at photos na may sexual activity.

Tanong tuloy ng ating tagasubaybay, “Sir, hindi kaya lalong lumalala iyan kapag ipinatupad na ang ‘online classes’ ngayong pagbubukas ng pasukan?”

Ganoon din ang naisip natin, pero sana gumawa ng pamamaraan ang Department of Education (DepEd) para maiwasan na maengganyo ang mga mag-aaral sa online sex.

Bukod sa online sex, marami rin sa mga kabataan ngayon ang nalulong sa paggamit ng ilegal na droga.

Ginagamit din sila ng sindikato dahil kapag nahuhuli sila ay mas mababa ang hatol sa kanila o kaya naman ay aarugain ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kawawang mga bata, ano kaya ang magiging kinabukasan nila?

Saan kaya tayo kukuha ng mga matitinong leader ng ating bansa pagdating ng panahon?

Sana masolusyunan ito ng ating gobyerno para mailigtas ang mga kabataan sa kapamahakan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

102

Related posts

Leave a Comment