KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
NAGPAHAYAG ang Bise Presidente ng bansa na ipatotodas niya ang Presidente, si First Lady at ang Speaker ng Kongreso kapag siya ay ipinatigok. At may hitman na siya na magsasagawa ng kanyang utos.
“May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez.’ No joke, no joke. Nagbilin na ako.” Ito ang pahayag ni Vice President (VP) Sara Duterte.
Sinabi niya ang kanyang plano sa isang online press conference noong Sabado na nakarating sa apat na sulok ng mundo. Kinabukasan, nang mapagtanto siguro na sasabit siya, niliwanag ni Sara na wala siyang balak ipatodas ang sinoman at warning lang ang kanyang binitiwang salita.
Pero galit si PBBM. Sa kanyang video message noong Lunes, sinabi niya: “Yang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. Yan ay aking papalagan.”
Siniseryoso ng administrasyong Marcos ang banta ni Sara at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang PNP, DOJ, National Security Council at ang iba pang ahensya ng gobyerno. Pinadalhan na rin ng NBI ng subpoena si Sara para imbestigahan. Desididong kasuhan. Hinahanting na rin ang kanyang hitman.
Maging ang Presidential Security Command ay dinoble rin ang pagbabantay sa seguridad ng pamilya Marcos.
Sikat na sikat ngayon ang Pilipinas sa buong mundo. Nalantad na ang pangalawang pinakamataas na pinuno ng ating gobyerno ay walang kiyeme-kiyeme sa balak na pamamaslang. Anak nga ng kanyang tatay.
Parang wala na sa sibilisasyon ang Pilipinas at ang namamayani sa gobyerno natin ay ang batas ng kagubatan na matira ang matibay sa pangalan ng PULITIKA. Only in the Philippines.
##########
Ano naman ang reaksyon ng mga Pilipino sa nagaganap na drama pulitikal at sigalot sa pagitan ng mga diyos-diyosan? Dedma lang. Sabi ng magtataho: “Bahala silang magpatayan at wala naman silang silbi!”
Pero ‘yung mga bulag na tagasunod ng magkabilang kampo, dakdakan ang gera nila sa Facebook.
Ang mga politikong kapanalig ng magkalabang kampo ay abala naman sa pagbabatuhan ng mga akusasyon at pambobola sa taong-bayan na sila ang nasa tama.
Katwiran ni Sara, kaya siya sinisikil ay dahil banta raw siya sa ambisyon ng kabila na mamamayani pa rin ang kontrol sa gobyerno pagkatapos ng eleksyon sa panguluhan sa 2028.
Ang batikos naman ng mga alipores ng Palasyo sa Kongreso, hindi maipaliwanag ni Sara ang ginawang paggastos sa P612.5 million na “confidential fund” (CF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education noong siya ang kalihim nito.
Maging ang Commission on Audit (COA) ay humihingi rin ng paliwanag sa mahiwagang paggastos ng pondo.
Nitong nakaraang Lunes, humarap si Sara sa Kongreso sa isinasagawang imbestigasyon sa kanyang pondo. Kasama siya ng kanyang mga alipores sa OVP.
Ewan kung ano ang nagtulak kay Gina Acosta, OVP disbursing officer, nang ibulgar niya sa Kongreso na ang P125 million na CF ay ibinigay niya sa tsip sekyu ni Sara dahil utos sa kanya ni VP gayung siya dapat ang may pananagutan sa pondo. Isinugod sa ospital si Acosta pagkatapos dahil tumaas ang presyon.
Batay sa record, ang P125 million ay nadispatsa sa loob lang ng 11 araw.
Pangalawa si Acosta sa staff ni VP na lumanding sa ospital pagkatapos ng hearing sa Kongreso. Noong nakaraang Sabado ay isinugod din sa pagamutan si Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ni Sara, na ipinakulong sa Kongreso dahil na-contempt.
Grabe ang iyak ni Lopez kay Sara na awang-awa naman sa una. Handa si Sara na sagupain ang lahat para kay Lopez. May nagmamarites nga sa kanilang espesyal na relasyon.
Una rito, nagsumite ng mga resibo ang OVP sa COA. Batay sa news report, kapansin-pansin na halos isang tao lang ang pumirma sa mga tumanggap ng pera mula sa kontrobersyal na pondo. Kabilang dito ang mga pangalang “Mary Grace Piattos”, “Nova”, “Oishi”, at “Tempura”, na pawang popular na tatak ng sitsirya.
Nag-aalok ang Kongreso ng pabuyang P1 milyon sa sinomang makapagtuturo kung nasaan si “Mary Grace Piattos” pero walang kumakagat. Lumalabas na peke ang pangalan, multo si Mary Grace at malamang ay dinekwat ang pera gayundin ang para sa iba pang mga pekeng benepisaryo.
##########
Nakalulungkot at nakagagalit ang mga kaganapan ngayon. Pero sino ang dapat sisihin sa sitwasyon natin, ng ating bansa at gobyerno?
TAYO. Dahil tayo ang nagluklok sa mga namumuno sa pamahalaan noong iboto natin sila sa eleksyon.
Muli, sana, sana…maging matalino na tayo sa pagboto sa susunod na halalan lalo na sa nasyunal na posisyon.
Nakatingin ngayon sa atin ang buong mundo. Nagtataka, natatawa. Kulang na lang ay bansagan tayong lahi ng mga GAGO at TANGA.
Masakit mang aminin…ay parang oo nga.
Aray!
49