ORAS NANG PANININGIL SA BALASUBAS NA FOREIGN EMPLOYERS

AKO OFW

HALOS tumigil ang ikot ng mundo ng mga OFW simula pa lamang ng buwan ng Marso ngayong taon dahil sa kaliwa’t kanang pagdedeklara ng lockdown sa buong mundo.

Maraming mga reklamo at paghingi ng saklolo ang hindi mabigyan ng aksyon kahit pa paulit-ulit ang panawagan ng mga OFW. Dahil ito sa maraming bansa sa Middle East ang nagdeklara ng lockdown kung kaya hindi makalabas at makakilos ang mga opisyal ng Philippine Oveseas Labor Office (POLO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Philippine Embassy.

Isa nga sa mga welfare office na aking nakausap ay talagang naiiyak na sa sama ng loob dahil wala silang magawang aksyon sa ilang panawagan nang paghingi ng tulong ng ating mga kabayani sa ibang bansa.

Tila naman sinasamantala ng mga employer ang sitwasyon upang tuluyan nang balusabasin ang ating mga OFW. Isa nga sa nag-trending sa social media kamakailan ay ang video ng mga manggagawa sa Riyadh , Saudi Arabia na kung saan ay pilit na pinaaalis at itinatapon na lamang sa gilid ng kalsada ang mga gamit ng mga pobreng OFW.

Mabuti na lang ay agad na namagitan si Labor Attache Nasser Musta at muling nakabalik sa kanilang mga tirahan ang mga nasabing mga OFW.

Gayundin ang mga pangyayari sa ilang salon at kumpanya sa Kuwait at Dubai kung saan ay bigla na lamang tinanggal sa mga trabaho ang mga OFW dahil katwiran ng employer ay nalulugi na sila.

Bagama’t totoo na maraming kumpanya ang nalulugi dahil sa coronavirus crisis, ngunit hindi naman dahilan ito upang iwanan na lamang sa ere ang kanilang manggagawa.

Marahil ay panahon naman na ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ay gumawa ng mas matapang na hakbang upang kastiguhin at tuluyan nang i-blacklist ang mga employer na nagpabaya at nagsamantala sa sitwasyon sanhi ng Covid pandemic.

Patunay lamang na ang mga naturang employer ay hindi karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon na makakuha muli ng manggagawang Filipino dahil pinatunayan lamang nila na walang tibay na maasahan sa kanila.

Gayundin, nauunawaan natin ang pinagdaraan ng mga ahensya. Karamihan sa kanila ay masasabing talagang dumapa ang negosyo, ngunit hindi dapat maging handlang ang krisis na ito upang kanilang kumustahin at tulungan ang kanilang mga deployed OFW.

Dapat na ireport agad-agad ng mga ahensya ang mga employer na naging pabaya lalong- lalo na ang mga kumpanya na nag-abandona ng kanilang manggagawang Filipino upang tuluyan ng hindi makakuha ng mga OFW.

113

Related posts

Leave a Comment