OVERPASS VS. PUNONG ACACIA SA SUBIC FREEPORT

TINGNAN NATIN

MAGKABANGGA talaga ang development o pag-unlad at kalikasan.

Tingan Natin: kailangang balansehin ang kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan, ayon tayo diyan.

Kapag binalanse, mayroong bibigay sa magkabilang panig, dahil kung hindi, hindi mababalanse at walang mapagkakasunduan.

Ito ang dilemma o kalagayang alanganin sa mga negosyo, konstruksiyon at iba pa na may masasaling sa kalikasan.

Tingnan Natin: dekada na buhat ng isinara sa mga behikulo ang Main Gate bridge papasok ng, at palabas mula, Subic Bay Freeport dahil hindi na umano ligtas liban na lang para sa pedestrian, kaya ganoon na rin ang Main Gate ng Freeport.

Ang Main Gate Bridge ay tinutumbok ng Magsaysay Drive, ang pamosong entertainment district ng Olongapo City mula pa noong panahon na ang Subic Bay Freeport ay US Naval Base, pinakamalaking base militar ng Estados Unidos noon sa labas ng America. Ito ang dahilan kung kaya ang Main Gate bridge ay kilala rin bilang Magsaysay Bridge.

Sa wakas, magagawa na ang Magsaysay Bridge, ibig sabihin, mabubuksan na rin ang Main Gate ng Subic Bay Freeport.

Tingnan Natin: pondo ang problema kaya tumagal ang pagpapagawa nito pero salamat kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman & Administrator (ChAd) Wilma T. Eisma na nakakalap ng pondo mula sa national government na umaabot sa P500M.

Kasama sa plano ng paggawa ng Magsaysay Bridge ang overpass sa nakahambalang na Rizal St. na ngayon pa lamang ay isa sa mga pinagsisikipan ng daloy ng trapiko, kapwa ng motorista at pedestrian.

Ibig sabihin, maiibsan ang kasalukuyan at inaasahang malilikha pang pagbigat ng daloy ng trapiko sa naturang “intersection” kapag gawa na ang tulay at binuksan na ang Main gate para sa mga sasakyan.

Tingan Natin: dahil sa isang puno ng Acacia, patuloy na magdurusa ang mga motorista, pedestriyan, negosyante, residente, estudyante, manggagawa o turista.

Tinutulan kasi ng ilang sariling-basbas na “environmentalists” ang pagtatayo ng “overpass” sa Rizal St. dahil ayaw nilang maputol ang naturang puno ng Acacia na ang edad ay totoo namang deka-dekada.

Nasaan ang balanse ng pag-unlad at kalikasan? Tingnan Natin. Abangan ang mga susunod nating kolum kaugnay nito. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

182

Related posts

Leave a Comment