Labis-labis na kagalakan ang naramdaman ng overseas Filipino workers (OFWs) matapos na ihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagtatatag ng Department of OFW sa loob ng taong ito.
Gayundin, may OFW community leaders naman ang nababahala na kung halimbawa na maitatag na ang bagong departamento, ay baka kung sinu-sino na lang ang maitalaga para manungkulan dito.
Isa sa mga ipinapahiwatig ng kilalang OFW community leaders ay dapat daw na bigyang prayoridad ang OFWs o dating OFW para manungkulan bilang labor attache, assistant labor attache, welfare officers at maging assistant welfare officers dahil sa kasanayan ng OFWs na makisalamuha sa kultura ng ibang bansa lalo na sa Gitnang Silangan.
Ikinakatwiran din na walang higit na magmamalasakit sa OFWs kundi ang katulad din na OFW o datihang OFWs. Bagama’t ako ay sumasang-ayon sa katwiran na iba ang pagmamalasakit ng isang OFW sa kapwa OFW, dahil maraming beses na nating napatunayan at nasubaybayan ang iba’t ibang advocacy leaders sa kanilang pagtulong sa “distressed workers” ngunit sa aking palagay, ay maraming bagay pa ang dapat na matutunan ng OFWs sa larangan ng paglilingkod sa OFWs.
Kung kaya aking iminumungkahi ang pagtatag ng Overseas Labor Officers Academy na dapat pangasiwaan ng University of the Philippines upang hasain nang maigi hindi lamang ang OFWs na nagnanais na pumasok sa paglilingkod sa OFWs, kundi pati na rin sa mga datihang opisyales na nadedestino sa ibang bansa.
Dapat na maging patakaran na bago pa mai-assign ang isang labor o welfare officer ay dapat na sumailalim ito sa 6-buwan na pag-aaral at pagsasanay upang masiguro na tamang paglilingkod at serbisyo para sa mga OFW ang kanilang magagampanan.
Ang anim na buwan na pagsasanay at pagpasa sa eksaminasyon ay dapat na maging batayan at sapilitan bago pa tanggapin ang anumang aplikasyon ng sinuman na magnanais na pumasok sa trabahong ito upang masiguro na tanging ang mga kuwalipikado lamang ang maaaring manilbihan bilang labor o welfare officers.
Sa mga susunod na linggo ay sisimulan na ng OFW community leaders ang pag-iikot sa mga opisina ng mga senador at kongresista upang ipakiusap na maisama sa artikulo ang mga bagay na angkop para sa kapakanan at karapatan ng OFWs, at isa ang pagkakaroon ng Overseas Labor Officers Academy na ating isusulong. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
136