KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
SA kabila ng kontrobersiya ng Manila Bay Reclamation Projects ay nabigyan pa rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng panibagong P1.4 bilyong bagong appropriations para maging tuloy-tuloy ang paglilinis at rehabilitasyon ng nasabing baybayin.
Ito ay naaayon sa kautusan ng Supreme Court (SC), ayon kay Quezon City Congressman Marvin Rillo.
Sa aking pagkakaalam, ang inilabas na pondo ay malinaw na para sa paglilinis at rehabilitasyon at hindi paglalagay ng white sand sa Roxas Blvd. sa Maynila na tinawag nilang “Boracay ng Maynila” o “Manila Dolomite Beach”.
Kasama sa pondo na ‘yan ang relokasyon ng 233,000 informal settler families na nakatira sa baybayin na nasa 190-coastline at direktang nagtatapon ng kanilang dumi sa tubig-dagat.
‘Yang proyekto na ‘yan ay kakain lang nang kakain ng malaking pera ng gobyerno dahil tuwing dadating ang tag-ulan ay maaanod lang ng malakas na alon ang mga puting buhangin na ‘yan.
Ang artificial ay hindi maaaring samahan ng natural dahil kapag ang natural calamity ang tumama, kahit anong tibay ang ginawa ng tao ay gigibain ito.
Lalo pa kung katulad lamang ng mga puting buhangin na inilagay sa Roxas Blvd. na ‘yan na halos pulbos lamang.
‘Yun ngang mga naglalakihan at nagkakapalang semento riyan sa Roxas Blvd. sa tuwing may bagyo ay ginigiba ng malalakas na alon, lalo pa kung buhangin lamang. ‘Di ba?
‘Yan ngang Manila Bay Reclamation Projects ay pansamantalang ipinatigil ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dahil nasa 14 milyong katao ang nanganganib sa sandaling maganap ang 7.2 pataas ng lakas na lindol na tatama sa lugar, at dahil sa reklamo ng mga opisyal at mga residente ng Bulacan na pagbaha sa kanilang lugar sa nakaraang mga araw bunsod ng sunod-sunod na buhos ng ulan.
Hindi matatawag na rehabilitasyon ang ginawang paglalagay ng puting buhangin na ‘yan sa Roxas Blvd. kundi binago nila ang natural na kalagayan nito.
Hindi puting buhangin ang natural sa Roxas Blvd. kaya kahit anong gawin nila ay hindi magiging puti ang buhangin sa baybaying ito.
Mas makabubuting pagtuunan na lamang nila ng pansin kung saan nanggagaling ang dumi na napupunta sa Manila Bay, para malinis ang tubig dito.
Kung malaman ninyo kung saan galing ang mga dumi na ‘yan. patawan ng parusa at dapat matigil na ‘yan nang magsimulang manumbalik ang kalinisan riyan sa Manila Bay.
Hindi sagot sa kalinisan ang paglalagay ng puting buhangin sa Roxas Blvd. kundi patuloy lang nitong sinisira ang natural na kalagayan ng baybayin.
