KAPE at BRANDY ni Sonny T. Mallari
HINDI maikakaila na maraming Pilipino ang patuloy na naghihirap sa kanilang pakikibaka sa buhay anopaman ang ilabas na datos ng gobyerno na umuunlad na raw ang ekonomiya ng bansa at bumubuti na ang pamumuhay ng mamamayan.
Sa panahon ngayon, kahit na ang isang mag-asawa na parehong may ordinaryong trabaho, hindi sasapat ang kanilang magkasamang suweldo upang mamuhay nang maayos ang pamilya lalo na kung may mga anak na pinag-aaral.
Paano pa ang mga walang marangal na trabahong pinagkakakitaan? ‘Yung isang kahig, isang tuka? ‘Yun mga umaamot lang ng awa sa tulong ng iba o nakasahod sa ayuda ng gobyerno?
Kaya naman marami ang kumulo ang dugo nang ipahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Arsenio Balisacan sa isang hearing sa Senado kamakailan, na sapat ang P64 na badyet sa pagkain ng bawat Pilipino sa loob ng isang araw – almusal, tanghalian at hapunan. Sa suma ng NEDA, okay na ang P21.33 na badyet ng sinoman kada kain.
#########
Nang mabasa ko ang balita tungkol dito, ang una kong tanong sa sarili – taga saan bang planeta ang mga nasa NEDA?
Dahil imposibleng mabuhay nang maayos – oo, mabubuhay pero unti-unti na niyang hinuhukay ang kanyang libingan sa mga sakit na dadapo sa kanyang katawan – kung ang badyet lang kada kain ay P21.33.
Sa almusal siguro ay puwede. Dalawang pirasong pandesal at isang kape na sachet. Pero sa tanghalian at hapunan? Tiyak na babatikalin ako ng kaldero ng asawa ko kung bibigyan ko lang siya ng badyet na P42.66 para sa tanghalian naming dalawa. Ang isang takal na kanin sa katabi naming karinderya ay P15 na. May mabibili bang ulam ang natitirang P6.33??? Ni isang maliit na itlog ay hindi ito makabibili!
Bakit kaya hindi muna tinesting ni Balisacan ang dyanitor sa NEDA sa badyet sa pagkain na P64 kada araw? At basta na lang nagpahayag na sa halagang ito ay hindi na matatawag na “food poor” o hindi na naghihirap sa pagkain si Juan de la Cruz.
Nagpapatunay ito na hindi batid ni Balisacan ang realidad sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Marami sa mga nasa pedestal ng pamahalaan ang ganito ang mentalidad. Nakalulungkot.
#########
Ngunit mas lalong nakalulungkot at nakasusuka na habang gumagapang sa kahirapan ang taong-bayan, ang numero-unong senador ng bansa ay ang pokus ng kukote o ng kanyang “maliit” na laruan ay ang pangangailangan ng lalaki na makakubabaw sa kanyang asawa kapag nag-iinit na ang laman. Grrr!
Maliwanag na hindi niya alam na may batas na hindi pwedeng pwersahin ng lalaki ang kanyang esposa na makipagtalik kung ayaw. Nakasaad ito sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. Rape ang kaso at habang buhay na pagkakakulong ang parusa.
At may pinarusahan na ang Korte Suprema na mga lalaking pinilit ang kanilang asawa na makipagtalik.
Kung sinoman ang lalaki na may katulad niyang pamatsong mentalidad, bumalik na lang sa basehang praktikal kapag nakararamdam ng init ng laman. Pumasok ng banyo at doon magparaos…magbuhos ng malamig na tubig!
55