KAALAMAN Ni Mike Rosario
HINDI natin lubos maisip na sa dinami-daming problemang nararanasan ngayon ng ating mga kababayan ay nalaman nila na nagpagawa ng napakamahal na logo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Base sa natanggap nating impormasyon, ang logo ng PAGCOR ay nagkakahalaga ng P3.036 million.
Ang kontrata ay ipinagkaloob ng PAGCOR sa Print Plus Graphic Services na sinasabing ang kompanya ay pambarangay lamang.
Ang logo na may kulay pula at asul “symbolizes the flame that ignites change and drives progress,” ayon kay PAGCOR Chairman Alejandro Tengco.
Naku! sir, kahit ano pa ang sabihin n’yo ay hindi makakain ‘yan ng mga kababayan nating naghihirap ngayon dahil sa mahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kung sa inyo ay hindi overpriced ang P3.036 million logo na ‘yan, sa mga Pilipino ay napakamahal niyan, ilang sakong bigas ang katumbas niyan na makakalaman sa kumakalam na sikmura ng ating mga kababayan.
Iprinisenta pa man din ang overpriced logo na ‘yan sa ika-40 anibersaryo ng PAGCOR sa Marriott Hotel sa Pasay City na dinaluhan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sabi tuloy ng ating mga tagasubaybay, parang kinunsinte pa ni PBBM ang ginawa ni Tengco sa pagpasok sa kontrata ng PAGCOR sa pagawa ng logo na nagkakahalaga ng P3.036-M.
Ayon sa nakausap natin, parang “devil” daw ang logo dahil may sungay ito, sinabi naman ng iba pa na parang palong ng manok at napagkamalan pa itong gas station.
Kaya pinuputakte ngayon ng batikos ang PAGCOR dahil sa pagkakagawa ng kanilang bagong logo na napakasimple, pero sobrang mahal ang pagpagawa.
Sana nagpa-contest na lang daw ang PAGCOR sa mga estudyante ng IT at naglaan ng P100K premyo sa mga mananalo, nakatipid na ang ahensya, nakatulong pa sa mga mag-aaral. ‘Di pa chairman Tengco? Esep-esep din minsan para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Ang mga ganitong ambisyosong paggastos ng mga namumuno sa mga ahensya ng gobyerno, ay hindi nakatutulong sa administrasyon ni PBBM.
Pakiramdam tuloy ng taumbayan, walang pakialam ang mga opisyal na ito sa tunay na kalagayan ng bansa na ang mamamayan ay nakararanas ng kahirapan.
Ang PAGCOR ay nasa ilalim ng Government Owned Controlled Corporations (GOCCs) na pinamumunuan ng isang presidential appointee tulad ni Chairman Alejandro Tengco.
372