PUNA ni JOEL AMONGO
HINDI biro ang sinisira ng langis na tumagas mula sa MT Princess Empress na lumubog noong Pebrero 28, 2023 sa Naujan, Oriental Mindoro.
Unang naapektuhan ng pagtagas ng langis mula sa barkong ito na may kargang 1 milyong litrong langis, o katumbas ng 260,000 US Gal., ay ang mga karagatan ng lalawigan ng Antique, Batangas, Oriental at Palawan.
Pinangangambahang umabot sa P5 milyon (P5-M) kada araw at labing-isang libong (11,000) manggagawa sa turismo sa bayan ng Puerto Galera ang mawawalan ng kita dahil sa epekto ng oil spill.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonina Yulo Loyzaga, sa 35 water quality testing, 26 sampling stations dito ang bumagsak at 9 lang ang nakapasa.
Kaya pinaiiwasan muna ni Department of Health (DOH) Acting Secretary Maria Rosario Vergeire ang tinukoy na mga lugar na may kontaminasyon ng oil spill.
Ipinagbabawal din ang pagkain ng isda, tahong at iba pang lamang dagat sa mga katubigan na naapektuhan ng pagtagas ng langis mula sa MT Princes Empress.
Inirekomenda rin niya na ‘wag munang magtampisaw o magsagawa ng anomang aktibidad sa binanggit na mga karagatan dahil mapanganib ito sa balat ng tao.
Ay naku! Kailangan mabigyan ng pinakamabigat na kaparusahan ang sinoman sa Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Coast Guard at may-ari ng MT Princes Empress na RDC Reield Marine Services na naging dahilan ng paglubog ng barko na nagdudulot ngayon ng perwisyo sa nabanggit na mga karagatan.
Hindi naniniwala ang PUNA na walang nagawang kapabayaan ang MARINA, PCG at MT Princess Empress.
Hindi lang ang may-ari ng barko ang dapat managot kundi maging ang mga tauhan at opisyal ng MARINA at PCG na posibleng nagpabaya sa insidente.
Nauna nang ikinuwento sa atin ng ating kaibigan na eksperto sa pagbabarko, na maraming dahilan kung bakit lumulubog ang mga barko tulad ng nangyari sa MT Princess Empress.
Ayon sa kanya, ‘di baleng luma ang barko basta pumasa ito sa international standard na pwedeng kargahan ng langis.
Ang ipinagtataka niya, lumabas sa isinagawang imbestigasyon na napakaraming butas ng MT Princess Empress, ibig sabihin hindi maayos ang pagkaka-welding nito na naging dahilan ng mga butas.
Sinabi pa niya na kinakailangan ang loob ng barko ay stainless at maging ang welding na ginamit ay dapat stainless din para hindi ito kinakain ng kalawang dahil sa tubig alat.
Napag-alaman ng PUNA na dahil sa isyung ito, maging sina Puerto Galera Mayor Rocky Ilagan at Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor ay nagkakatampuhan na.
Siyempre nga naman, lugar nila ang naperwisyo sa oil spill na ito ng MT Princess Empress.
Dapat ang P5M na lugi kada araw sa mga naapektuhan ng oil spill ay ipataw sa mga nagpabaya na nagdulot ng perwisyo sa mga tao.
Hindi tayo titigil sa pag-e-expose hangga’t hindi nareresolba ang problemang ito at napapanagot ang mga nagpabaya.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
