P90-B SA PCSO NAGLAHO DAHIL KAY GARMA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

PINA-CONTEMPT ng House Quad Committee si Retired Police Colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma dahil sa pag-iwas at pagtanggi na sagutin ang mga tanong kaugnay sa pagiging malapit niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Garma ay in-appoint bilang PCSO General Manager noong Hunyo 2019 matapos siyang magretiro bilang pulis.

Sa kabila ng natititirang 10-taon sa serbisyo, inanunsyo niya nang maaga ang kanyang pagreretiro noong Hulyo 2019 at noong Hulyo 15, 2019 ay nagsimula siya sa kanyang bagong papel sa PCSO

sa isang tinaguriang ‘juicy position’ sa gobyerno.

Bagama’t sinabi ni Garma na nag-apply siya para sa posisyon, ito ay hindi kailanman inihayag sa publiko bilang bakante.

Maraming naniniwala na ang pagkakatalaga kay Garma sa nasabing posisyon ay dahil sa pagiging malapit niya sa dating pangulo.

Kahit itanggi niya, masasabing hindi maitatalaga sa nasabing posisyon ang isang pulis na walang paunang karanasan sa pamumuno ng isang opisina o ahensiya, kung wala itong malakas na koneksyon sa dating pangulo.

Bago ang appointment ni Garma sa PCSO ay nagsilbi siya bilang police officer sa Davao City, kung saan ay naging malapit siya kay Duterte at madalas ay nagtatrabaho siya sa kanyang war room.

Matatandaan noong 2018, itinalaga ni Duterte si Garma bilang unang babaeng hepe ng pulisya ng Cebu City.

Napansin iyon ng mga miyembro ng Kamara sa kabila ng mga pagtanggi ni Garma na iyon ay dahil sa pagiging malapit niya sa dating pangulo. Kalaunan ay itinalaga naman siya ng dating pangulo sa pinakamataas na posisyon sa PCSO.

Sa kanyang panunungkulan sa PCSO mula 2019 hanggang 2022, nagharap ng ebidensiya si Chairman Dan Fernandez na nagpapahiwatig na ang gobyerno ng Pilipinas ay nawalan ng P90 billion. Wow! Bigtime.

Iniugnay ni Garma ang pagkaluging ito ay dahil sa mga paghihigpit sa quarantine sa COVID-19.

Gayunpaman, ang mahigpit na lockdowns ay nangyari lamang noong 2020, at nabawasan na ang paghihigpit noong 2021.

Kaya, tila malabong ang pandemya lamang ang nagdulot ng malalaking pagkalugi.

Ang mas malamang na dahilan sa pagkawala ng P90 bilyong halaga ng pera ay hindi sa “pagkalugi” kundi lihim na paglihis ng paggamit nito patungo sa pribadong bulsa.

Maaari ring ginamit ang pera para pondohan ang war on drugs ng dating administrasyon na nagresulta sa extra judicial killings (EJKs).

41

Related posts

Leave a Comment