KAILANGAN pa bang paalalahanan sa pamamagitan ng tawag kaugnay ng kanilang parating pa lang na “due date” ang mga “subscriber” ng mga Telco sa bansa?
Ito Ang Totoo: hindi lahat ng tao ay walang ginagawa o nakatunganga lang para sumagot ano mang oras at araw ng tawag sa telepono.
Karanasan ko po mismo sa Globe, pinakahuli nitong Mayo 1, “holiday” pa iyon na may tumawag para sabihing ganito-ganire na ang bill na dapat kong bayaran sa “post-paid account” ko sa kanila.
Wala naman akong alam na “past-due” o utang, pinangungunahan lang talaga sa darating na bayaran.
Ito Ang Totoo: payag naman akong mapaalalahanan pero dapat sa tamang paraan.
Parang hindi nag-iisip o kaya’y sadyang bastos o garapal lang ang management ng Globe kaya walang pakundangan na pinatatawagan ang mga kliyente bukod pa sa mga “text message” na ipinadadala.
Ang “text” ay hindi masama dahil hindi ito tahasang aabala o magnanakaw ng oras ng kliyente, pero iyong basta na lang tatawag, hindi naman na tama iyan.
Maaaring ang tao ay nasa business meeting, simbahan, kasalan, birthday, binyag, patay, nagda-drive, etc., tapos makatatanggap ng tawag tungkol sa paparating na “due date?”
Ito Ang Totoo: napakahirap tawagan ang Globe, at iba pang Telco, kapag ikaw ang may reklamo, pero itong walang saysay, bastos at garapalang pagtawag bilang paalala sa babayaran sa kanila, ang gagaling, walang oras-oras, kahit na anong araw, larga.
Ugali pa ng mga tagatawag na hindi nagpapakilala at unang tanong agad kung ikaw si ganito o ganoong pangalan, akala mo kung sino lang ang kinakausap.
Wala ring “telephone manners” ang mga hinayupak, gayong sa telepono o komunikasyon sila nagtatrabaho.
Ito Ang Totoo: dapat ng matigil ang ganitong gawa ng mga Telco.
May magagawa rito ang National Telecommunications Commission (NTC) o maging ang Kongreso at Senado. Tanong na lang kung gagalaw ba o nasa bulsa na sila ng nagyayamanang Telcos sa bansa?
Napakahalaga ng komunikasyon at ito ay dapat nakatutulong pagandahin at pagaanin ang buhay ng mamamayan.
Ang Telco ay hindi dapat peste na nanghihimasok sa buhay ng mamamayan ano mang araw at oras na gusto nila, walang pakialam basta maisulong lang ang interes sa kagustuhang kumita ng limpak-limpak na salapi.
Ito Ang Totoo!
95