PAANO KAMI NAGING PARTE SA PROBLEMA NG MGA ABANDONADONG BALIKBAYAN BOXES PART 1?

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

NAGSIMULA ang aming papel sa isyu ng mga abandonadong balikbayan box nang ­aming bigyang-pansin ang mga panawagan ng ating mga kababayan mula sa Dubai, UAE na idinaan sa aming social media page noong Hunyo.

Napansin namin ang mga reklamo dahil sa dami nito at iisa lang ang tema, kung saan ­inirereklamo ang pag-abandona ng kanilang consolidator na Allwin Cargo, sa kanilang mga padala dito sa bansa.

Agad naman kaming nag-imbestiga sa mga sumbong na ito at pinapunta ang aming Dubai, UAE correspondent na si Alan Avila, kasama ang mga complainant, nadiskubre nito na talagang sarado na ang opisina ng Allwin sa Dubai. Nakausap din ni Alan ang isang empleyado na nanggaling lang sa bakasyon at nagulat na sarado ang kanilang opisina sa kanyang pagbabalik na wala man lang abiso sa kanila. May mga video kami sa mga ­pangyayaring ito na nakalagay sa aming FB page at YouTube channel.

Nakipag-ugnayan kami sa Bureau of Customs (BOC), kung saan nakatengga ang labing-walong Allwin containers sa compound ng Manila International Container Terminal (MICT) sa North Harbor. Sa simula ng ­aming imbestigasyon sa naturang reklamo, tinawagan namin si Atty. Vince Maronilla, ang dating BOC spokesperson kung saan kami ay ni-refer nito sa opisina ni MICT port collector Romeo Rosales. May kuha rin kaming video sa aming pagpunta sa opisina ni Collector Rosales na naka-post sa aming social media accounts na FB at YouTube channel.

Bukod kay Collector Rosales, kasama rin sa meeting sina BOC Informal Entry Division Chief Bien Entico, Cargoflex Pres. Arlie Tero at maging ang ilang complainant na naghahanap ng mga kahon, na nakipag-ugnayan sa amin.

Sa naturang paghaharap, ikinuwento sa amin ni Collector Romeo Rosales (RR) ang ­problemang kinahaharap ng kanyang opisina sa problema ng mga abandonadong balikbayan box na nakatengga sa MICT. But we we’re surprise to learn na hindi lang pala Allwin ang nakatengga sa kanilang compound, mayroon pang mga container mula sa CMG at Kabayan Island Express Cargo.

Sa aming panayam kay Cargoflex President Arlie Tero, sinabi nito na umabot na sa halos sampung milyong piso ang kanilang lugi dahil sa hindi pagbabayad ng Allwin sa kanila. Sinabi nito na malaki ang kanyang lugi dahil bago pa man dumating ang 18 containers na sentro ng mga reklamo, ay mayroon nang naunang mga Allwin container na kanilang binayaran at inilabas sa BOC.

Nalaman din namin na bukod sa Cargoflex, mayroon pang dalawang de-consolidator na ka-partner ng Allwin sa delivery ng mga kahon nila, at ito ang Exspeed Manila at Alin Express Cargo.

Sa naturang pag-uusap, sinabi ni Collector Rosales ang plano niya upang mailabas at ma-ideliver na ang mga laman ng containers sa mga recipient sa tulong ng Door-to-Door Consolidators Association of the Phils (DDCAP) na dati na daw katuwang ng kanyang opisina paged-deliver ng mga abandonadong mga container. Ayon sa MICT port collector, hindi ang Allwin ang unang nag-abandona ng balikbayan boxes bagkus ang karangalan ay nasa CMG na unang ginawa ito sa kasagsagan ng mga naunang lockdown dahil sa Covid-19. (ABANGAN ANG KARUGTONG SA SUSUNOD NA MIYERKOLES)

42

Related posts

Leave a Comment