PAARALAN DAMAY SA PAMUMULITIKA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

AMOY eleksyon na nga kasi talamak na raw ang pamumulitika ng ilang kandidato ngayon pa lang.

Tulad nitong isang tumatakbo sa pagkakongresista sa isang siyudad sa Metro Manila.

Ang tsika, pati nananahimik na pampublikong paaralan sa siyudad ay dinamay pa nitong kandidato na itago natin sa tawag na Mr. K.

Ipinarating sa akin ng isang source na nais daw ni Mr. K na gawin ang isa niyang programa sa gym ng isang paaralan ng lungsod.

Noong una, tumanggi umano ang principal dahil alam nito na kandidato si Mr. K sa darating na halalan at ayaw niyang maakusahan ng electioneering.

Pero hindi ata nagustuhan ni Mr. K ang pagpalag ng principal kaya tinakot daw ito ng kanyang mga tauhan.

Tutol din ang school superintendent sa gusto nitong si Mr. K, pero napapayag din. Paano kasi, tinawagan daw ito ng Central Office ng Department of Education (DepEd) at inutusan na pagbigyan ang hiling ni Mr. K.

Ayon sa ating source, pinayagan ang event dahil may malapit na kaibigan si Mr. K sa DepEd na dati nitong katrabaho. Ganun? Dahil ba naging magkatrabaho ay hahayaan na ang pamumulitika sa mga paaralan?

Hindi ba’t may kautusan na noon ang DepEd na nagbabawal sa electioneering at partisan political activity?

Hindi na raw nakapagtataka ang paglabag sa protocol ni Mr. K dahil dati na niya itong ginawa. As in may history na siya ng paglabag kahit pa panahon noon ng pandemya.

Suwerte lang ni Mr. K at hindi siya nakasuhan dahil malakas sa nakaraang administrasyon. Da who ba itong si Mr. K na kilala rin sa pagiging balimbing na mambabatas? Your guess is as good as mine!

o0o

NAWA’Y MAMULAT NA MGA BOTANTE

NAKALULUNOS ang matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Kristine.

Sa pinakahuling tala, 81 katao ang nasawi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sumasailalim pa rin sa pagpapatunay at beripikasyon ang bilang ng mga naiulat na nasawi, ayon naman kay OCD Administrator at Undersecretary Ariel Nepomuceno, na nagsabi ring 34 ang naiulat na nawawala.

Nasa 4.472 milyong katao o 1.062 milyong pamilya ang grabeng naapektuhan ng bagyo.

Maraming lugar ang binaha na may kasamang putik.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mayroong kabuuang 547 na mga lugar na binaha sa buong Rehiyon I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VIII, IX, XIII, CARAGA, BARMM at National Capital Region.

Ang tanong: Matibay pa rin ba ang loob ng mga Pilipino sa mga panahon ng kalamidad?

Sa tuwing hinahambalos ng ngitngit ng kalikasan ang bansa ay madalas nating naririnig at nababasa na resilient ang mga Pinoy.

Madalas ding ikinikintal sa utak ng mga tao ang katwirang hindi inaasahan na magiging mabangis at malakas ang bagyo o matagal at malakas ang ulan, ngunit hindi inaamin ng mga may kapangyarihan at responsibilidad na kapos sila sa paghahanda.

Dapat pagtutuunan ng ibayong atensyon ng mga lokal at nasyonal na pamahalaan ang posibleng mangyari at tapatan ito ng maagap na paghahanda.

Napakahalaga nito sa pagtugon at pagharap sa palalang mga banta ng kalikasan.

Sana huwag nang gawing alibi ang resilient para pagtakpan ng pamahalaan ang kahinaan ng paghahanda, prebensyon at pagtugon sa mga kalamidad.

Ang dapat na tibay ng loob at tatag na pairalin ng mga Pinoy ay tamang pagboto sa mga politiko. Huwag nang piliin ang hindi mo interes at kapakanan ang prayoridad.

Binabalatan ng mga kalamidad ang totoong nasa loob ng puso at utak ng mga lider ng bansa.

‘Yung response sa kalamidad kasi na nakasanayan nang ginagawa ay mamigay ng ayuda gaya ng sardinas, kape, noodles, at mukha ng politiko na ewan kung gusto talagang tumulong o maaga nang nangangampanya.

Kapag may bagyo at nasalanta ang mga mga tao, ay hinagpis at ngalngal ang iba, ngunit kapag naabutan ng bigas, sardinas at noodles ay kalmado na.

Tapos iboboto pa rin ang mga politikong walang pakundangan sa pagwasak ng kalikasan. Pipiliin ulit iyong mga sumikwat ng parte ng pondo para sa mga imprastraktura.

Kaya ang Halalan 2025 ay maaari nating maging sukatan kung paano natututo ang tao, sa dami ng pinagdaanan nating pinsala sa kalamidad sa nagdaan at kasalukuyang taon, sana naman ay marami ang mahimasmasan at matutong kumilatis ng matinong kandidato.

46

Related posts

Leave a Comment