PAASA

DPA ni Bernard Taguinod

NAPAPANSIN ko, mahilig magpaasa ang mga mambabatas natin sa mga manggagawa dahil saka lang maglalabas ng panukalang batas na itataas ang sahod ng mga ganito o ganyang manggagawa kapag araw lang nila.

Tulad na lamang nitong Nurse Day na ipinagdiwang noong Mayo 12, may mga panukalang batas na kesyo doblehin pa ang sahod nila para raw hindi na sila aalis ng bansa at dito na lang sila magpraktis.

Ang gandang pakinggan pero bakit saka lang nila naiisip na itaas ang sahod nila kapag ginugunita ang kanilang araw at saka bakit ang mga government nurse lang ang itataas ang sahod eh sahod pang-alipin ang tinatanggap ng mga nagtatrabaho sa pribadong pagamutan?

Ano ang pagkakaiba ng nurse sa government hospital sa pribadong hospital? Wala, maliban sa triple ang sahod ng mga government nurse kaysa mga private nurse. Pareho sila ng ginagawa.

Bakit ba takot na takot ang Kongreso na obligahin ang mga government hospital na bigyan naman ng disenteng sahod ang mga nurse sa mga pribadong pagamutan? Itinuturo lagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) kapag may nagtatanong.

Kapag Labor Day naman, ang karapatan ng mga manggagawa at disenteng sahod ang laging ibinibida ng mga mambabatas pero hanggang salita lang dahil wala namang umuusad na panukala para itaas ang sahod nila.

Ganyan din ang ginagawa kapag Teachers Day na kesyo kailangan daw dagdagan ang sahod ng public school teachers pero puro pangako. Kung baga, pinapaasa lang nila ang mga manggagawa.

‘Yung ipinasa ng Senado na panukalang dagdagan ng P150 ang arawang sahod ng mga manggagawa, mukhang malabo pa sa tinta na ibinubuga ng pusit dahil sa Kamara, hindi tinatalakay ang ganitong panukala as in dedma.

Huwag silang umasa na aaksyon ang mga regional wage board dahil sa botohan pa lamang sa petisyong ng mga manggagawa ay talo na agad ang kinatawan nila sa tripartite board na ito.

Mantakin mo, isa ang kinatawan ng gobyerno, isa sa manggagawa at isa sa panig ng mga negosyante. Tingin niyo boboto ng pabor ang kinatawan ng mga negosyante na itaas ang sahod ng mga obrero nila? Nungka!

Laging may pangamba rin ang gobyerno kapag humihingi ng dagdag sahod ang mga manggagawa kaya palagay niyo boboto ng pabor ang kinatawan nila sa tripartite board na ito? Nungka pa rin.

Nagkukuripot ang mga employer dahil alam nila kakampi nila ang gobyerno eh. Alam nila hindi pinoproteksyunan ng gobyerno ang mga manggagawa na kanila namang sinasamantala,

Kung talagang protektado ng gobyerno ang mga manggagawa, kailangang proactive sila at pasyalan ang mga obrero sa pinagtatrabahuan nila kung talaga bang tama ang kanilang sinasahod at hindi sila sinasamantala at inaabuso ng kanilang mga employer.

Pero walang ganyang aksyon ang DOLE. Saka lang aaksyon kapag may dumulog sa kanila at inireklamo ang kanilang mga employer. Hindi sila proactive ika nga kaya maraming umaabuso.

107

Related posts

Leave a Comment