PAG-AKO NI EX-PRRD SA RESPONSIBILIDAD SA WAR ON DRUGS

TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG

ANG administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay lumikha ng matinding marka sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa kanyang matapang na kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee, isang makapangyarihang mensahe ang kanyang ipinabatid: siya ang handang umako ng buong responsibilidad sa war on drugs na kanyang isinulong noong siya ang pangulo.

Ipinahayag niya na ang kanyang pangunahing layunin ay protektahan ang sambayanang Pilipino mula sa banta ng droga—isang banta na unti-unting sumisira sa kinabukasan ng bansa.

Ang hakbang ni Duterte ay hindi madali.

Sa harap ng napakaraming pagsubok, pinanindigan niya na ang kanyang mga desisyon ay para sa kapakanan ng nakararami.

Aniya, ang problema sa ilegal na droga ay matagal nang lumalason sa ating lipunan, kaya’t kanyang piniling tahakin ang daan ng masidhing kampanya upang mawakasan ito.

Malinaw niyang sinabi na hindi siya humingi ng paumanhin sa kanyang mga hakbang, sapagka’t naniniwala siyang ang mga ito ay para sa seguridad ng mga Pilipino.

Tinitiyak niyang hindi niya pinahintulutan ang pang-aabuso, kundi ang depensa ng kapulisan laban sa mapanganib na mga elemento sa panahon ng mga operasyon.

Mahalaga ring bigyang-diin na mula pa noon, laging ipinapaalala ni Duterte sa mga pulis na protektahan ang kanilang sarili kung nalalagay ang kanilang buhay sa peligro.

Ang kanyang mga utos ay malinaw: sugpuin ang mga kriminal na nagdadala ng droga sa mga komunidad, ngunit huwag pumatay ng mga inosente.

Subalit sa kabila ng kanyang matibay na paninindigan, marami pa rin ang pilit na inuugnay sa kanya ang hindi sinasadyang mga insidente na nakasama sa kanyang administrasyon. Ang mga kritisismo laban kay Duterte, gaya ng nabanggit ni Senador Risa Hontiveros sa pagdinig, ay nagpapakita ng pagkakahati ng pananaw ng bansa sa war on drugs.

Gayunman, ang pagpapahayag ni Duterte ng pananagutan ay patunay ng kanyang paninindigan sa harap ng mga pagsubok at batikos.

Hindi siya umaatras o nagtatago at sa halip, humaharap siya bilang dating isang lider na naninindigan sa kanyang mga desisyon at handang akuin ang lahat ng responsibilidad.

35

Related posts

Leave a Comment