PAGBABAGO SA BI PATULOY

BISTADOR NI RUDY SIM

BAGAMA’T matatapos na ngayong buwan ang 1 year election ban mula sa mga talunang kandidato sa nakaraang 2022 national elections, inaasahang maraming itatalaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ilang vacant seats sa gabinete na matagal nang inilaan ni PBBM sa mga puwesto na pinaniniwalaan nitong makatutulong sa pamahalaan.

Noong nakaraang buwan lamang ay nakumpleto na rin sa wakas ang matagal nang nakatengga na posisyon sa Bureau of Immigration, ito’y makaraang italaga ng Palasyo sina Joel Anthony Viado at Daniel Yu Laogan bilang deputy commissioners ng BI na magiging katulong ng kasalukuyang hepe ng ahensya na si Commissioner Norman Tansingco.

Ang pagiging datihan ni Tansingco sa BI ay siyang naging susi ng ahensya upang maitaguyod ang pagbangon ng ahensya para labanan ang katiwalian na matagal nang naging isyu pa rito sa nagdaang administrasyon, anim na taong nagdusa ang ahensya at mga kawani ng BI sa dating hepe dito na si Jaime Morente na halos walang malasakit sa kanyang mga tauhan, makaligtas lamang na masipa sa puwesto nito.

Mula sa kaliwa’t kanang batikos na inabot ng BI noon ay malaki na ngayon ang ipinagbago sa ahensya kung saan ay napigilan ang operasyon ng sindikato sa airport sa pagpapalabas ng mga pasaherong biktima ng human trafficking kasabwat ang ilang airport personnel. Mula sa mga natatanggap nating nagpapadala ng kanilang mensahe sa naging obserbasyon ng mga ito sa patakbo ngayon sa BI, ay maganda na umano ang proseso ng lahat ng tanggapan dito, na mabilis ginagawan ng aksyon, basta’t kumpleto ang kanilang dokumento ay naiiwasan na ang red tape o pag-ipit ng papeles.

Bagama’t hindi mawawala sa isang ahensya ang mga tiwali ay seryosong binabantayan pa rin ni Tansingco, katulong ang kanyang chief of staff na si Atty. Romaine Pascual, at ipinatutupad ang kamay na bakal sa sinomang tauhan ng ahensya na mapatutunayang sangkot sa ilegal na aktibidad na sumisira sa magandang layunin ngayon ng pamahalaan.

Katulong ang mga abogado ng BI ay nabibigyan ng aksyon ang mga karaingan ng lahat ng may transaksyon sa ahensya upang lalong mapaganda anila, ang imahe ng ating bansa sa mga dayuhang nasa bansa na nakikita ang magandang pagbabago na dating hindi naging maganda ang karanasan dito.

Dapat maging maingat ang magiging desisyon ni PBBM sa pagtatalaga sa iba’t ibang posisyon sa mga talunang kandidato lalo sa mga dati nang nakapuwesto sa nagdaang administrasyon na halos wala namang naitulong sa bansa. Marami nga sa mga hindi pinalad sa nagdaang halalan ang magagaling at pinaniniwalaang makatutulong sa gobyerno, at isa na sa laging sigaw ng netizens, ay si Doc Willie Ong para sa Department of Health.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

158

Related posts

Leave a Comment