Pinaiimbestigahan na sa Kamara ang nakababahalang pangungulelat ng Pilipinas sa pinakahuling assessment na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development patungkol sa reading comprehension o pag-intindi sa binabasa ng mga mag-aaral sa 79 na bansa.
Si Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang naghain ng House Resolution 626 para sa pormal na imbestigasyon na isasagawa ng House Committee on Basic Education and Culture at Committee on Higher and Technical Education para alamin kung anong mga hakbang ang dapat gawin para masolusyunan ang problema sa reading comprehension ng mga Filipinong mag-aaral.
Pinakamababa sa 79 bansa ang nakuhang marka ng may 600,000 Filipinong mag-aaral na may edad 15 sa pagsusulit ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018. Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang Pilipinas sa PISA survey. Karamihan sa mga mag-aaral na nasa edad 15 sa Pilipinas ay nasa Grade 9.
Dismayado rin si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia sa pangungulelat natin hindi lamang sa reading comprehension kundi maging sa math and science at ang kanyang solusyon ay ang panunumbalik sa wikang Ingles bilang medium of instruction.
Madali para kay Gov. Garcia ang “English only” policy sa public schools sa Cebu dahil mayroon nang Local School Board resolution sa kanyang lalawigan na nagbabalik sa English bilang medium of instruction sa elementary at high schools. Nakatakdang ipatupad ito ng Cebu Provincial Schools Division sa school year 2020.
Kahit wala pa ang imbestigasyon sa mababang kapulungan, tama ang posisyon ni Gov. Garcia sa paggamit ng wikang Ingles dahil bukod sa mga klasikong nobela na nakasulat sa wikang Ingles, pati na ang mga aklat sa math and science ay sa Ingles din nakalimbag.
Ang naging problema nga lang ay nang ilagay sa ating Saligang Batas ang paggamit ng Filipino bilang medium of instruction at sinikap itong ipatupad ng pamahalaan, hindi handa ang mga guro at estudyante dahil nga sa kakulangan ng mga aklat sa math and science sa wikang Filipino.
At dahil sa dami ng mga banyagang salita sa dalawang asignatura, hirap ang mga translator nito sa wikang Filipino at nangyari tuloy ay lalong naguluhan ang mga estudyante sa pag-intindi ng math at science sa wikang Filipino.
Sa DepEd dapat manggaling ang solusyon sa problema ng mga Filipinong mag-aaral sa reading comprehension, math at science at ang magiging papel lamang ng Kongreso ay pondohan ang mga programang mag-aangat sa kalidad ng ating mga mag-aaral. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
285