PAGBABAWAL SA ‘MOTORCYCLE RIDING COUPLE’ ‘DI MAKATWIRAN

PUNA

HINDI makatuwiran at lalong hindi makatotohanan ang ipinatutupad na pagbabawal ng mga awtoridad sa mag-asawang magka-angkas sa motorsiklo.

Marami sa taumbayan ang hindi pabor lalo na ang mga hindi kayang bumili ng 4 wheels na sasakyan sa patakarang ipinatutupad ng pamahalaan sa panahong ito ng community quarantine.

Bakit? Simple lang ang kasagutan na hindi lingid sa kaalaman nang gumawa ng patakaran ito na kahit anong gawin nila ay hindi mangyayari ang ‘social distancing’ sa mag-asawa.

Sabi tuloy ng mga tagasubaybay ng PUNA, bakit si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque ba ay hindi sila nagtatabi sa higaan ng kanyang asawa?

Alam natin na hindi sumasakay ng motorsiklo si Sec. Duque kaya wala siyang pakialam sa mga magka-angkas na mag-asawa.

Si Sec. Duque raw kasi ang may kagustuhan na isama sa pagbabawal na magkaangkas ang mag-asawa sa motorsiklo para daw maipatupad ang social distancing.

Imposibleng mangyari, hindi makatuwiran at hindi pa makatotohanan ang gusto ni Duque.

Buti pa ang sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na gusto niyang payagan na magkaangkas ang mag-asawa sa motorsiklo.

Kumbinsido ang gobernador na hindi tama ang patakaran na pagbawalan ang mag-asawa na magkaangkas sa motor.

Isa pang umaani ngayon ng PUNA, ang desisyon ng gobyerno na gusto nang payagan na magtrabaho ang mga manggagawa ngayon sa Metro Manila na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Paano sila makakapasok kung wala naman silang masasakyan?

Kailangan daw maglaan ng mga kumpanya ng ‘service vehicle’ o kaya tirahan ng kanilang mga manggagawa malapit sa kani-kanilang trabaho.

Nalugi na nga sila dahil mahigit na sa dalawang buwan wala silang kita pagagastusin pa uli ng gobyerno?

Minsan naman mag-isip tayo ng praktikal at may puso sa ating gustong ipatupad.

Naalala tuloy natin noon nang hinuli nila ang magkapatid na magkaangkas sa motorsiklo sa Valenzuela City.

Hindi nila inisip na health worker pa man din ang inihahatid ng kapatid kaya sila magkaangkas.

Imposible rin na mangyayari ang social distancing sa magkakapatid pagdating sa bahay nila.

Lalo sa Pilipinas na mas marami ang mahihirap na pamilya kaysa sa mayaman.

Paanong maipapatupad ang social distancing sa isang pamilya na may limang (5) miyembro, pero ang kanilang tinitirahan ay wala pang tatlong (3) metro ang lawak?

Ganoon pa man, ang bawat pamilya ay may kanya-kanya pamamaraan kung papaano silang makakaiwas na magkahawaan sila sa COVID-19.

Ang mahalaga sa ating mga nakapuwesto ay magpatupad tayo ng tama at makatuwiran na patakaran na hindi ang mga imposibleng mangyayari.

Hindi pakitang-tao, kaya tayo nagpapatupad ng mga patakaran o batas.

Ika nga ‘suntok sa buwan’ para maipatupad ang social distancing sa mag-asawa sa pamamagitan nang pagbabawal sa kanila na magkaangkas sa motorsiklo.

Malayo sa katotohanan iyan at hindi mangyayari sa kanila.

At kung magpalatupad kayo ng mga patakaran o batas man dapat pantay-pantay hindi ang may kinikilingan kayo kung gusto ninyong hindi kayo napu-PUNA ng netizens.

oOo

Para suhesityon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

88

Related posts

Leave a Comment