Noong isang araw lamang ay may ulat na aabot sa P282 milyon ang halaga ng mga napinsalang gusali sa Itbayat, Batanes dahil sa magkakasunod na mga lindol na nangyari rito noong nakaraang Sabado. Iniulat din na nasa 185 mga bahay ang tuluyang gumuho at hindi na magagamit pa dahil sa trahedya.
Sa pinakabagong ulat kahapon ay inihayag ni Batanes Province Governor Marilou Cayco na kailangan ng kanilang lalawigan ang P886 milyon para sa rehabilitasyon.
Malaking pondo ang kailangan na iyan at hindi kakayanin ng lokal na pamahalaan na muling maibalik sa dating ayos ang kanilang bayan dahil sa matinding lindol na kanilang sinapit.
Kahit hindi humingi ng tulong ang kanilang pinuno ay obvious na kailangan nila ng ayuda mula sa national government, sa mga pribadong sektor o sa mga taong may pusong natural na tutulong sa ganitong pagkakataon.
Hindi biro ang casualties na naitala sa lalawigan na ito.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, may kabuuang siyam ang mga namatay, 64 ang mga sugatan. May kabuuan ding 1,025 pamilya o 2,963 katao ang mga apektado ng trahedya. Sa mga ito 742 pamilya o 2,365 katao ang nananatiling nasa public market o nasa Municipal Plaza sa Brgy. San Rafael, Itbayat, Batanes dahil sadyang walang mga matuluyan dahil ang kanilang bahay ay gumuho nang lahat.
Sa ganitong sitwasyon ay maging matik sana ang pagtulong natin sa ating mga kababayan lalo na sa mga walang natira ultimo ang kanilang mga bahay na dugo’t pawis din ang naging puhunan.
May takot ding patuloy pang nararamdaman ng mga tao rito dahil hanggang kahapon ay nakararanas sila ng paglindol kaya’t wala pa ring katiyakan ang kanilang kaligtasan.
May mga pagdaing na rin ang mga magulang lalo sa mga may anak na masyado pang bata ngunit magkakasama silang lahat sa iisang lugar kung saan mas prone rin sa mga sakit at kung anu-ano pa.
Malaking tulong ang kailangan ng Itbayat, Batanes para sa kanilang pagbangon, huwag naman natin silang pabayaan o kalimutan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
114