Bizzness Corner ni Joy Rosaroso
ALAM naman natin na ngayon pa lang tayo unti-unting nagbabalik sa new normal na buhay natin pagkatapos ng ilang taong trahedya na dinanas ng buong mundo ng dahil sa Corona virus.
Nagpapasalamat tayo sa pamunuan ng Saksi Ngayon sa pagbibigay sa atin ng pagkakataon na makapagbahagi ng kaalaman hinggil sa pagnenegosyo ngayong panahon na sinusubok ang katatagan nating lahat. Ito’y pagkakataon para makapagbigay ng inspirasyon at aral ang mga nasa larangan ng pagnenegosyo para sa mga nagnanais ding magsimula ng kanilang kabuhayan.
Ngayon ay kamustahin naman natin ang pagbabalik ng ating mga negosyante at kung ano ang mga ginawa ng mga negosyanteng nag-survive nitong pandemic na isa sa mga malaki ang naitulong sa ekonomiya ng ating bansa.
Kamakailan ay kinamusta natin ang isang grocery store na ang pangalan ay “MCTAMURA Grocery Store”. Sila ay located sa Imus, Cavite.
Ayon sa kanila, sila raw ay nag simula sa kanilang negosyo noong taong 2018. Ano nga ba ang pagkakaiba ng “MCTAMURA Grocery Store” sa ibang tindahan. Sila raw ay nagsimula lamang sa pagbebenta ng ingredients para sa Shabu-Shabu or tinatawag nating Hot pot na galing
Taiwan. Pero sa kadahilanang marami silang customers na naghahanap pa ng iba’t iba pang ingredients ay naisipan na rin nilang magdagdag at maghanap pa ng iba’t ibang supplier mula sa bansang Japan at Korea para naman matugunan ang demand at pangangailangan ng kanilang mga customer.
Naitanong din natin sa kanila kung ano ang naging susi at kung paano sila nag-survive nitong pandemic. Ayon sa kanila, imbes na magtaas sila ng presyo, ay kanilang pinanatili ang presyo ng kanilang mga produkto at hindi piniling sumabay sa pagtaas ng presyo tulad ng ibang mga tindahan.
Ito raw ang naging daan kung kaya’t sila ay binabalik-balikan at dinadayo ng mga customer nila mula noon hanggang ngayon. Pinilit din ng “MCTAMURA Grocery Store” na meron sila ng mga ingredients na hinahanap ng mga customer nila. Gumamit din sila ng social media para i-post ang kanilang mga ingredient at naisipan din nila gumawa ng mga easy ingredients menu para sa kanilang mga mamimili para mabigyan sila ng karagdagang ideya at iba’t ibang paraan ng paggamit ng ingredients nila.
Pero magkano nga ba ang kailangan kung tayo ay magsisimula sa ganitong uri ng negosyo? Ayon sa kanila, sa P50,000 ay maaari ka nang makapagsimula at depende na lamang ito sa volume at dami ng order at kailangan mo. Sa pagtatapos ng ating panayam sa kanila ay nagbigay naman ng isang payo ang “MCTAMURA Grocery Store” para sa mga taong gustong pasukin ang ganitong larangan ng negosyo.
Ito ay ang magsaliksik nang mabuti, mag-observe, huwag mahihiyang magtanong at humingi ng payo at higit sa lahat ay ang pagbibigay halaga at pakikisama sa kanilang mga empleyado at customers at laging magsilbi nang may magaan at malaking ngiti.
At ang pinakamahalaga na laging sinasabi ng mga taga “MCTAMURA Grocery Store”, ‘pag gusto walang imposible!!!
