PAGBISITA NG PULISYA SA MGA TAGA-MEDIA TINUTULAN

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI po sang-ayon ang PUNA sa bagong istilo ng pulisya na alamin at bisitahin ang tinitirahan ng mga kasapi ng media.

Sa aking pananaw ay lalo lamang malalagay sa alanganin ang buhay naming mga taga-media sa ganyang ginagawa ng pulisya.

Bakit kamo? Kung halim-bawa ang naisulat ko ay isang pulis na nasasangkot sa ­anomalya tapos alam niya ang bahay ko, eh, ‘di lalong nalagay sa panganib ang buhay ko at ang miyembro ng pamilya ko.

Nagsimulang ipatupad ng pulisya ang ganitong kalakaran matapos na mapatay ng riding-in-tandem si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid, sa Paranaque City noong Oktubre 3, 2022.

Sabi nga isang broadcaster na nakakwentuhan ko ay mali ang diskarte ng PNP na kailangan nilang alamin ang mga address ng media practitioner para sabihin na pinangangalagaan nila ang kapanan ng mga taga-media.

Iisa ang gusto naming taga-media, ang palakasin ng PNP ang kanilang intelligence community para malaman at mahuli nila ang mga gumagawa ng krimen.

Hindi po namin maiwasang mga taga-media na mangamba para sa aming buhay sa bagong patakaran ng PNP na ito na bisitahin ang aming mga bahay dahil may miyembro nila ang nasasangkot sa anomalya.

Naalala ko tuloy ang ­Maguindanao Massacre na nasa 32 mga taga-media ang namatay na ang utak ay ang pamilyang Ampatuan.

Maraming suspek sa nasabing pamamaslang ay pawang nagmula sa pulisya na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang pagdinig sa kaso.

Kamakailan ay pinuntahan daw ng isang police officer na nakasibilyan ang bahay ni JP Soriano, reporter ng GMA7, at inalam nito kung may banta sa kanyang buhay.

Sa sunod-sunod na tweet ni Soriano, sinabi sa kanya ng police officer na ipinag-utos sa kanya ng PNP na alamin ang sitwasyon ng journalists.

Sinabi pa ng pulis na kung maaaring kunan si Soriano ng litrato para magamit sa dokumentasyon na tinanggihan ng huli.

Dahil sa pangyayaring ito ay tumawag si Soriano kay Marikina Mayor Marcy Teodoro at kinumpirma naman na may police officers nga na kumakatok sa mga bahay ng media workers para alamin kung may banta ang mga ito.

Sa ganang akin, maganda ang layunin ng pamunuan ng PNP, pero gaano kami kaligtas sa ganyang ginagawa n’yo?

Mas makabubuti sigurong ang gawin n’yo ay palakasin ang police visibility sa lahat ng sulok ng bansa para mapigilan ang gagawa ng krimen.

Bakit hindi n’yo ipakalat ang inyong motorcycle units? Saan ba sila nagpupunta at bakit hindi sila makita?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840.

14

Related posts

Leave a Comment