Bilang pagpapalawig sa mas nauna ko nang artikulo tungkol sa makataong pagtrato sa mga nahuhumaling sa droga, nais kong ibahagi ang personal kong karanasan nitong huling mga linggo.
Dahil sa kagustuhan namin ng aking kaibigan na mas maraming malibot sa maikling panahong pinamalagi namin sa ibayong dagat, naranasan din naming umuwi ng pasado alas-dose na ng madaling araw, gumamit ng public transport (tren) at maglakad nang mahaba sa kalye.
‘Di namin madalas gawin dito ‘yun: ang maglakad sa kalye ng dis-oras ng gabi. Pero nagawa namin doon, na kaming dalawang babae lamang sa alanganing oras, sa kalyeng abandonado na, bukod sa mga mangilan-ngilang makakasalubong o makakasabay na mga gala rin.
Ngunit medyo nahintakutan lang ang aking kasama na sa paglalakad, may nadaanan kaming grupo ng mga babae na naninigarilyo. ‘Di ako marunong umamoy, pero sabi ng aking kaibigan, damo daw ‘yung hinihithit nila. Pinilit kong kumalma lang, naglakad lang palampas sa kanila na parang wala lang, ‘di apektado, walang pangingialam o mapanuring tingin.
Awa ng mabuting tadhana, nakauwi kami nang matiwasay.
Ang naranasan ko ay medyo bumabasag sa matagal nang pananaw na naisiksik sa isip ko ng namamayaning diskurso sa droga rito sa ating bansa. Na ang mga gumagamit ay posibleng maging mga kriminal, threat sa ating safety and security, kaya’t marapat lamang na giyera o kamatayan ang paraan ng pagsugpo sa kanila.
Napapaisip ako, bakit sa ibang bansa, ‘di naman yata madalas na nananakit ng ibang tao ‘yung mga adik o gumagamit doon? Di kaya ganun nga ang epekto ng regulasyon na walang pagbabalatkayo? ‘Di naman talaga sila pwedeng gumamit nang walang pakundangan, may limitasyon din batay sa kanilang health profile, kung tama ang aking intindi sa paliwanag ng kaibigan kong social worker na nagtatrabaho doon. May paraan sila ng pagtantiya ng tamang dosage lamang para sa isang gumagamit.
Sa aking palagay, kung may totoong pagbubukasisip ang mga responsableng tao o namumuno sa ating lipunan, makakikita tayo ng mas rasyonal na alternatibo para sa layuning solusyonan ang problema ng droga sa ating bansa. At tiyak ako, hindi kasama rito ang pagpatay sa kanila—extra judicial man, o may suporta ng batas, gaya sa pagpapatupad ng death penalty. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
137