PARANG mga bakang nakawala sa koral ang marami sa pagluwag ng “protocols” na ipinatutupad laban sa COVID-19 buhat nang bumaba na ang bilang sa Pilipinas ng mga tinatamaan ng virus na nagmula sa Wuhan, China.
Ito Ang Totoo: tuwing “weekend”, lalo na sa “holidays”, apaw ang mga tao sa mga beach, resorts at iba pang pasyalan, kapwa sa mga mamahalin at kahit sa “cheapy-cheapy” lang, at lalo na sa mga libre o walang bayad na mapupuntahan.
Hindi naman sa tayo ay kontra sa pamamasyal o paglilibang, pero mahirap arukin ang asal ng marami na para sa kanila ay “by hook or by crook” kailangan makagala sa kung saan.
Gayunman, may mga bagay na dapat alalahanin at huwag kalilimutan para pangalagaan ang kalusugan.
Ito Ang Totoo: kailangan pa rin ang tamang pagsusuot ng “face mask”.
Malaking bagay bilang proteksiyon ang naka-“face mask” kapag nasa labasan, laban sa COVID man o iba pang karamdaman.
Kung pinapayagan sa mga resto ang pag-alis ng “facemask” habang kumakain, dapat isinusuot muli kapag pupunta sa “restroom” o basta tumayo sa lamesa.
Una, may mga nasa ibang lamesa na madadaanan na nakatanggal ang “facemask” dahil kumakain nga at lantad ang mga pagkain.
Pangalawa, ang “rest-room” kahit may exhaust fans ay kulob na lugar na paborito ng “virus” at mikrobyong pamahayan, hindi ba naituro sa inyo iyan noong kayo ay nasa Grade 1?
Ito Ang Totoo: ang mga nagtatrabaho sa mga resto, mga waiter, waitress, dishwasher, etc., (liban na lang siguro ang tumitikim sa pagkain na “Chef’?) ay dapat “mandatory” na naka-“facemask” para hindi nila nalalawayan ang mga inihahain sa tuwing nag-uusap at nagsasalita.
Hindi lang naman COVID o virus ng Wuhan ang dapat iniiwasan kundi lahat ng sakit na maaaring maisalin tulad ng TB, Hepatitis, kasama na ang trangkaso, pneumonia at iba pa.
Ang mga sakit na dati na nating kilala ay mapanganib din tulad ng galing sa Wuhan kaya ang pag-iingat ay dapat ituloy lang.
Ito Ang Totoo: ang paggamit ng alcohol, kung hindi makapaghugas ng kamay ay dapat ding ipagpatuloy kahit tuluyan nang mawala ang kasalukuyang “pandemic”.
Alam naman na natin noon pang tayo ay nasa “Grade 1” na ang paglilipat ng mikrobyo malimit ay dala ng mga bagay na hinahawakan, bukod sa mga pagbahing, pagsinga at pagdura kung saan-saan.
Panlaban natin ang “alcohol”, iyong “at least 70%” na pamahid, hindi iyong iniinom na nakalalasing, kaya huwag kalilimutan.
Sa nakalipas na dalawang taon ng pandemic, marami ang nakakilala sa “alcohol” at marapat lang ipagpatuloy ang paggamit niyan upang tayo ay maprotektahan. Ito Ang Totoo!
231