PAGHUSAYIN ANG KOLEKSYON BAGO MAGTAAS NG KONTRIBUSYON SA SSS

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Hindi sang-ayon ang Bayan Muna sa panukala ng pagpapataas ng kontribusyon ng mga miyembro ng SSS para matugunan ang pangangailangan nito sa pondo. Sa halip, dapat tuunan ng pansin ng SSS ang pagkokolekta nito ng mga hindi nire-remit na kontribusyon mula sa mga employer at kompanya.

Umaabot na sa P437 bilyon ang hindi nakokolek-tang premium at penalties ng SSS mula 2010. Ang kalahating trilyong kontribusyon na hindi ni-re-remit ng mga employer ay masasabing systemic failure na ng SSS na kolektahin ang bayad ng kanilang mga miyembro. Kung hindi nga nila makolekta ang ganitong kalaking pera, paano pa kaya kung pataasin pa ang kontribusyon?

Sinabi ni Atty. Neri Colmenares, Chairman ng Bayan Muna, na kahinaan ng pamunuan ng SSS ang mababang koleksyon mula sa mga employer. Kaya naman hindi dapat pahirapan ang mga matiyagang nagbabayad buwan-buwan ng kontribusyon. Gayundin, hindi ito kasalanan ng mga pensiyonado na nagbayad rin ng tama dati.

Sa kasalukuyan, 42% lamang ng mga miyembro ang pumapasan sa buong halaga ng pondo na kailangan ng SSS. Hindi naman patas na sila pa muli ang papasan ng dagdag kontribusyon dahil lamang hindi makakolekta ang SSS sa 58% na employers. Bukod pa, talagang dapat mabisto ng mga empleyado na kinakaltasan sila ng kontribusyon sa SSS kada sweldo ngunit hindi naman pala ito nire-remit ng kanilang employer.

Para sa amin sa Bayan Muna, dapat unahin muna ng SSS ang reporma nila sa koleksyon bago pa man ito magpataw ng dagdag kontribusyon.

Kayang-kaya ng SSS pondohan ang mga pension increase kung pag-huhusayin nito ang kolek-syon at pag-i-invest. Kung magagawa lamang nila ito – na mandato naman ng SSS – ay hindi kailangan ng anumang increase sa kontribusyon ng mga miyembro. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

7

Related posts

Leave a Comment