PAGIGING MABUTI AT MAUNAWAIN SA KAPWA

THINKING ALOUD ni CALIRE FELICIANO

KILALA ang mga Pilipino bilang magiliw, masayahin, at mga taong kayang humanap ng positibo sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.

Kahit may unos o may problema, nagagawa pa rin nating ngumiti at makisama nang maayos sa ating kapwa. Sa social media, talamak din ang mga larawan at mga istorya kung saan ipinamamalas ng mga Pilipino ang tinatawag na optimism at katatagan o resilience.

Kung minsan nga, nasasabihan na rin tayo na mayroon tayong toxic positivity – o ‘yun bang mga positibong emosyon lamang ang ating ipinakikita at hindi kinikilala ang iba pang mga nararamdaman, lalo na kung negatibo ang mga ito.

Pero kamakailan lang, lumabas sa isang report na nasa anim sa sampung Pilipino ang malungkot base sa isinagawang survey ng Meta-Gallup, isang international consultancy firm.

Nakapaloob sa The Global State of Social Connections report na nasa 57% na Pilipino ang nagsabing nakararamdam sila ng matinding kalungkutan. Mas mataas ito sa global average na nasa 24% lamang.

Samantala, nasa 19% naman ang medyo malungkot at 21% ang hindi malungkot.

Ikalawa ang Pilipinas sa may pinakamataas na porsyento sa 142 na bansang kasama sa survey. Pinakamaraming nai-report na malungkot sa Lesotho (58%).

Bahagi rin ng survey na ito ang koneksyon sa kapwa. Sa usaping ito naman, nasa 80% ng Pilipino ang nagsabing nararamdaman nilang konektadong konektado sila sa iba – mas mataas naman sa global average na 72%.

Nasa 14% ang nagsabing medyo konektado, at nasa 6% naman ang hindi nakararamdam ng koneksyon.

Hindi naman naging malinaw agad kung ano ang dahilan ng ganitong pakiramdam ng mga Pilipino. Ayon sa Meta-Gallup, kailangan pa ng mas masusing pag-aaral para malaman ang mga nakakaapekto at naka-iimpluwensya sa kalungkutan at social connectedness ng mga tao.

Nakababahala ba ang ganitong impormasyon? Bunga pa ba ito ng pandemya na nagtulak sa marami sa atin na harapin ang ating mga emosyong kadalasan hindi natin pinapansin, o ibinabaon na lamang dahil sa rami ng responsibilidad na kailangan atupagin?

Sa ngayon, hindi pa naman ito malinaw. Pero kung iisipin, noong kasagsagan ng pandemya, marami rin talagang tao – hindi lamang mga Pilipino – ang nakaramdam ng matinding kalungkutan.

Sa katunayan, tila ba naging bukas at laganap ang usapin ukol sa kahalagahan ng mental health at wellness lalo na’t talaga namang kakaiba ang naging karanasan ng karamihan sa atin noong pandemya.

Kung tutuusin, maganda na rin na napag-usapan ito dahil nga sanay naman tayong hindi iniinda ang ating nararamdaman, lalo na kung negatibo o hindi maganda ang mga ito.

Maraming eksperto ang nagsasabing dapat talagang unawain natin ang ating mga emosyon dahil hindi normal na palaging masaya, at gayundin, hindi rin makatutulong kung palagi namang malungkot.

Maganda ang mga programang nagtutulak ng mental health at wellness. Naniniwala rin ako na kailangan natin itong bigyan ng importansya dahil habang tumatagal, mas nagiging komplikado ang mundo sa dami ng pagbabago.

Halimbawa, dahil sa social media, marami tayong naihahambing – buhay, trabaho, gamit at kung ano-ano pa. Maaari itong magtulak para pangarapin natin ang mas magandang buhay na nakikita natin sa iba.

Pero gusto ko lang ibalik ang kahalagahan na unawain natin ang ating mga emosyon at ang ating mga damdamin, at isipin din natin na iba ang nararamdaman ng ating kapwa – ng ating mga mahal sa buhay, kapamilya, katrabaho, kaibigan, at mga kakilala.

Bagama’t mahirap iwasan, makatutulong din kung isasabuhay natin ang pagiging mabuti at maalalahanin sa iba at bawasan ang panghuhusga dahil hindi naman natin talaga alam ang mga pinagdaraanan sa buhay ng ating kapwa.

592

Related posts

Leave a Comment