PAGKATAPOS NG KAKULANGAN NG SIBUYAS, BALAT SIBUYAS NAMAN

MY POINT OF BREW Jera Sison

TILA bumabalik na sa wastong presyo ang sibuyas sa ating merkado. Sa katunayan makikita na natin sa mga palengke at supermarket ang mga puti at pulang sibuyas na nasa P200 kada kilo o mas mababa pa dito. Ang mga shallots o sibuyas tagalog (yung maliliit na sibuyas) na naging alternatibo sa regular na sibuyas ay unti-unting babalik bilang hindi pangunahing uri ng sibuyas na tinatangkilik ng mga mamimili.

Sa katunayan, ang Kongreso ang nagsasagawa ng imbestigasyon ngayon upang malaman ang puno’t dulo kung bakit nagkaroon ng biglaang kakulangan ng ordinaryong sibuyas sa merkado. May mga tinutukoy na ‘mastermind’ sa pangyayaring ito. Nagkaroon daw ng manipulasyon at pagtatago ng sibuyas sa merkado na nagresulta sa pagtaas ng presyo nito noong nakaraang panahon ng kapaskuhan.

Sana naman ay magkaroon ng kabuluhan ang imbestigasyon sa Kamara upang magsilbing aral sa mga oportunistang negosyante na walang konsensya at kaluluwa. Hindi nila iniisip ang paghihirap ng mga kapwa nilang mamamayan at ang mahalaga lamang sa kanila ay kumita ng limpak-limpak na salapi. Mga buwisit kayo!

Dahil pinag-uusapan natin ang sibuyas, tila may nabasa ako sa pahayagan na ilan sa ating mambabatas ay nasa usapang sibuyas din. Kaso tila ‘balat sibuyas’ ang kanilang panukala sa Kamara.

Ang tinutukoy ko ay ang panukala ng idol ko na si Sen. Robin Padilla upang ihinto at kondenahin ang pelikulang banyaga na “Plane” na tinatampukan ni Gerard Butler. Ayon kay Sen. Padilla, hindi daw maganda sa imahe ng ating bansa ang pagkakagawa ng nasabing pelikula. Inayudahan ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri at nanawagan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na itigil ang pagpapalabas nito sa mga sinehan dahil hindi daw ito katanggap-tanggap.

Sa aking opinyon, hindi yata kailangan ng ganitong reaksyon mula sa ating mga mambabatas. May mas mahalaga pang isyu na dapat pagtuunan ng ating mga senador na ikabubuti ng ating ekonomiya at ikagaganda ng imahe ng Pilipinas sa buong mundo. Unang-una, hindi sekreto ang kaalaman ng international community sa presensya ng Abu Sayyaf sa isla ng Jolo. Naging tampok na balita ang Pilipinas matapos ang nasabing bandido ay nangidnap ng mga dayuhang turista sa Sipadan Island sa Sabah, Malaysia at dinala ang mga ito sa Jolo noong ika-23 ng Abril taong 2000.

Dagdag pa dito, may mga bansa na nagbibigay ng travel advisory sa kanilang mga kababayan ng kung maaari ay huwag pumunta sa mga lugar na nasa dulong katimugan ng Pilipinas.

Marahil ay alam din ni Sen. Padilla, bilang isang kilalang artista at gumagawa din ng pelikula, na kung minsan ay nag-iisip sila ng magandang pagbalangkas ng istorya o plot sa pamamagitan ng pagbase sa mga totoong kaganapan upang tumipak ito sa takilya. Aayusin na lamang nila ito upang maging interesado na panoorin ng publiko. Subalit ito ay kathang-isip lamang o fiction.

Sa akin lamang ay hindi natin kailangan na maging balat sibuyas kapag may pelikula na itinatampok ang isang parte ng Pilipinas bilang pugad ng mga rebelde ng kapatid nating Muslim. Alam naman natin at ng buong mundo na pelikula lamang ito at ginamit ang nakaraang isyu ng kidnap for ransom isyu ng mga dayuhan bilang tampok ng pelikula. Malaki ang pagkakaiba ng pelikulang kathang-isip sa documentary. Kapag ang pelikulang “Plane” ay isang documentary, aba’y kasangga ako ni idol Sen. Robin Padilla na bumabatikos sa mga gumawa ng nasabing pelikula dahil walang katotohanan ito sa kasalukuyan.

Ang dapat natin gawin ay magsikap tayo at ating pamahalaan upang burahin ang mga masamang imahe ng ating bansa. Ito ay sa pamamagitan ng malakas na ekonomiya, patuloy na paggawa ng mahahalagang imprastraktura sa transportasyon, masaganang ani sa agrikultura, paghinto ng iligal na droga, pagtigil ng smuggling, siguruhin ang wastong koleksyon ng buwis, pagbibigay ng magandang health care program sa ating mamamayan, pagpapanatili ng peace and order sa buong bansa, wastong hustisya, walang kurapsyon at pagpapalakas ng turismo sa ating bansa.

Kapag matupad natin ang mga ito, tiyak mawawala ang mga rebelde sa dulong katimugan ng Mindanao dahil hindi na nila nararanasan ang kahirapan. Eh di nawala na ang masamang imahe ng Pilipinas.

186

Related posts

Leave a Comment