PAGKILALA AT PAGSUPORTA SA KAKAYAHAN NG KABABAIHAN

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

NOON, tila nakatakda na ang kapalaran ng kababaihan mula sa araw pa lamang ng kapanganakan nito – mag-aasawa, bubuo ng pamilya, at mag-aalaga ng mga anak. Ibang-iba na sa nakagawiang normal sa kasalukuyan. Ngayon, tila hindi normal kung ang babae ay hindi magtatrabaho at mamama­lagi lamang sa bahay. Sa pag­lipas ng panahon, nabigyan na rin ng pagkakataon ang kababaihang maipamalas ang kanilang kahusayan at ­kagalingan at maging mas kapaki-pakinabang na ­miyembro ng lipunan.

Napakagandang halim­bawa rito ang sports ­personalities na sina Hidilyn Diaz na nakasungkit ng ginto sa weightlifting, at Nesthy Petecio na nag-uwi ng silver na medalya sa larangan ng boksing noong nakaraang Olympics na idinaos sa Tokyo. Sila ay nagpamalas ng pambihirang kagalingan sa larangan na karaniwang panlalaki lamang.

Ang Meralco ay nakikiisa sa kampanya ukol sa pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa kababaihan. Sa loob ng higit isang siglo, ang mga gawaing gaya ng pag-akyat sa poste, pag-ayos ng mga linya, at pagmamaneho ng mga trak ng Meralco ay sa kalalakihan lamang ipinagagawa. Dahil sa makabagong panahon, nakisabay sa agos ng pagbabago ang kompanya.

Binigyan nito ng pagkakataon ang kababaihang nais magtrabaho bilang line crew sa kompanya. Sa katunayan, isa ang Meralco sa mga distribyutor ng kuryente sa Timog Silangang Asya na ­unang nag­lunsad ng komprehensibong teknikal na pagsasanay para sa kababaihan.

Noong Abril, muling ­inilunsad ng kompanya ang Meralco Linecrew Training Program (MLTP) kung saan 13 ­kababaihang nag-aasam ­maging bahagi ng kompanya bilang line crew ang nakatapos sa anim na buwang pagsasanay na ito.

Walang pagkakaiba ang pagsasanay na ­pinagdaraanan ng mga babae sa pinag-daraanan ng mga lalaki dahil pagdating sa aktwal na trabaho, pare-pareho ito ng ­gagawin kaya’t napakahalagang mayroon ding sapat na lakas ng pangangatawan ang ­kababaihan upang magampanan nang maayos ang kanilang ­magiging trabaho kapag sila’y ganap nang mga line crew.

Ang MLTP ay bahagi ng Diversity and Inclusion ­Program ng Meralco na tinawag nitong #Mbrace. Layunin ng programang ito na pataasin ang bilang ng kababaihan sa kompanya sa 40% sa pagtatapos ng dekadang ito. Ang #Mbrace ay binuo alinsunod sa United Nations’ Sustainable Development Goal (UN SDG) 5 o Gender Equa­lity at UN SDG 10 o Reduced Inequalities.

Bukod sa pagbubukas ng pinto sa kababaihang nais ­maging line crew, nakipag-­sanib-pwersa rin ang Meralco sa Don Bosco College-Canlubang noong Agosto para sa isang technician scholarship program kung saan 15 kababaihan ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at kinalauna’y maging bahagi ng kompanya.

Ilan lamang ito sa mga inisyatiba ng Meralco na sumasalamin sa dedikasyon nitong bigyan ng suporta at tiwala ang kagalingan, katalinuhan, at kahusayan ng kababaihan. Tunay na nakabibilib ang kababaihan dahil talagang napakalayo ng ­maaaring marating ng mga ito basta’t nabibigyan ng ­pagkakataon at suporta. Nawa’y mas ­mapaigting at madagdagan pa ang mga ­programang sumusuporta sa mga ito.

61

Related posts

Leave a Comment