Pagkilala kay Cito Dayrit bilang lider ng sports

0

BAWAL magkasakit sa panahon ng pandemya, ayon sa marami.

Ang sabi ko naman, ang pumanaw sa gitna ng pandemyang dala ng COVID-19 ay isang ­kakilakilabot na pangyayari. Gaya ng pagpanaw ng isang manlalaro sa gitna ng basketball court, o sa ibabaw ng parisukat na lona sa MGM Grand Arena.

Kung ang pagkamatay ay kalunos-lunos sa isang 23 anyos, mas nakalulungkot sa isang 70 taong gulang.

Si Celso “Cito” Dayrit, matagal nagsilbing atleta at lider ng sports bilang Pangulo ng Philippine Olympic Committee at commissioner ng Philippine Sports Commission, ay pumanaw sa COVID noong Miyerkoles sa edad na 70.

Isang kampeon sa kanyang napiling sport na fencing, ipinagpatuloy ni Cito ang kanyang misyon na mapaunlad ang sports sa pangkalahatan hindi lamang sa Pilipinas at Asya kundi sa pandaigdigang palaro. Kinilala siya bilang nag-iisa at kauna-unahang Pinoy na sertipikadong Course Director International Olympic Committee Solidarity Itenerant Administration School for Spots Leaders, na nagdala sa kanya sa iba’t ibang sulok ng daigdig para magturo ng sports management courses.

Ang kolumnistang ito at ang SAKSI NGAYON sports ay nagpapaabot ng pakikiramay sa kanyang naiwang kabiyak na si Cindy at kanilang mga anak—Carlos Angelo, Celina Veronica, Carmelo Jerico at Cian Christopher — sa pagyao ng isang maginoong lider ng sports, mentor at disentreng tao na may malalim na pananalig sa Panginoon.

Nakilala ng kolumnistang ito si Cito bilang isang tapat na kaibigan. Bukas ang palad na sagutin ang anumang katanungan hinggil sa Olimpiyada at ­Olimpismo, at handang tumanggap ng suhestiyon at unawain ang sagot sa kanya mismong katanungan.

Bilang miyembro ng International Olympic family, si Dayrit ay nahalal na bise presidente ng Olympic Council Of Asia (OCA), ang asosasyon ng lahat ng National Olympic Committees sa rehiyon. Naging chair din siya ng Southeast Asian Games Executive Committee, ang grupong namamahala sa SEA Games Federation, miyembro ng International ­Fencing Federation, treasurer at pinakamahabang nagsilbing executive member ng Asian Fencing Confederation at Honorary Lifetime President ng Southeast Asian Fencing Federation kung saan siya naging treasurer din at Second Vice President.

Pinangunahan din ni Cito ang pagkakatatag sa National Olympic Academy of the Philippines at ­Philippine Olympians Association. Siya rin ang nakaisip ng POC Olympism Awards at Chef De Mission ng pambansang delegasyon sa 1988 Seoul Olympics, kung saan ang bowler na si Arieane Cerdena ay nakapag-uwi ng kauna-unahang gintong medalya sa exhibition sport ng bowling.

Bilang commissioner ng PSC, si Dayrit ang kinilalang “Ama ng Philipine National Games” na naging dahilan para siya bigyan ng Sports Leadership Award ng Philippine Sportswriters Association noong 1995.

Ang ama ni Cito na si Don Francisco ay isa sa mga itinuturing na nagsimula ng fencing sa Pilipinas, samantalang ang kanyang inang si Gng. Patrocinia “Pat” Limjuco-Dayrit ay kilala sa pagiging founder at proprietress ng Le Cordon Blue Culinary School of Manila. Napangasawa ni Cito si Cynthia David Sason.

Nagsimula si Cito sa pagiging fencer sa gulang na anim sa ilalim ni Don Paco, ang kauna-unahang Filipino fencing master na nagtatag ng noon ay tinawag na Philippine Amateur Fencers. Hindi nagtagal ay tinanghal na pambansang kampeon si Cito, na idinambana sa De La Salle Sports Hall of Fame noong 2003 dahil sa kanyang kontribusyon sa pag-unlad ng naturang sports sa Pilipinas, bukod sa pagiging isang senior bank executive at espesyalista sa credit mananagement.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment