PAGKILALA SA MGA TUNAY NA NAGBIBIGAY NG LIWANAG

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SA pagpasok ng buwan ng Disyembre, kaliwa’t kanan na naman ang maliliwanag na mga dekorasyong makikita sa mga tahanan at mga establisyimento.

Kapag panahon ng kapaskuhan, nagdadala talaga ang natatanging mga selebrasyon ng kakaibang pakiramdam sa ating mga Pilipino. Dahil nga sa sobrang pagpapahalaga natin at pagbibigay ng atensyon dito, kilala ang bansa natin bilang isa sa mayroong pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko.

Nariyan na rin ang napakaraming Christmas lighting events na nagsimula na noon pang nakaraang buwan. Nitong nakaraang linggo, inilawan na rin ng Meralco ang Liwanag Park sa headquarters nito sa Pasig City. Kasabay nito ang pagbubukas ng isa na namang natatanging pasyalan kung saan maaaring dumayo ang mga pamilya para mas madama pa nila ang pagdiriwang ng kapaskuhan.

Pero bukod sa pormal na pagbubukas ng naturang Liwanag Park, kinilala rin ng kumpanya ang ilan sa mga natatanging customer na tunay na nagbibigay liwanag. Sa ginawang selebrasyon ng Meralco noong Biyernes, tampok ang mga kinatawan ng mga grupo at mga komunidad na naging benepisyaryo ng mga programa ng One Meralco Foundation o OMF, ang social development arm ng kumpanya.

Kasama sa kanila ang ilang guro na kinatawan ng mga paaralan sa Oriental Mindoro at Palawan na nabigyan ng liwanag sa pamamagitan ng school electrification program ng OMF. Gayundin ang kinatawan ng isang kooperatiba sa Nueva Ecija na nakinabang sa agriculture at livelihood electrification program. Kinilala rin ang benepisyaryo ng rural health electrification at water access electrification program na galing pa sa South Cotabato.

Kalakip ng pagkilalang ito ang pangako ng OMF na patuloy na maghahatid ng tulong at liwanag sa mga lugar na nangangailangan, kahit na hindi ito sakop ng franchise area ng Meralco. Kaya naman talagang naka-aantig dahil damang dama ang suporta at pagtulong para sa mas marami pang kababayan natin sa kahit anong bahagi ng bansa.

Bukod sa mga benepisyaryo ng OMF, ipinagdiwang din ng kumpanya ang ika-8 milyong customer na nabigyan ng serbisyo ng kuryente ng Meralco, at pati na rin ang tinatawag ng Meralco na light bearers na mga kinatawan ng residential, biz at enterprise customer segments na nakikinabang sa maaasahan at maayos na serbisyo ng kuryente at sila ring nagbibigay ng liwanag sa kani-kanilang mga pamilya, mga customer, at mga komunidad.

Pinangunahan ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, kasama ang mga lider ng kumpanya at mga kinatawan ng nasyunal at lokal na pamahalaan na kinabibilangan nina First Lady Liza Araneta-Marcos at Pasig City Mayor Vico Sotto.

Kasama sila sa pormal na pagbubukas ng taunang tradisyon ng Meralco na buksan sa publiko ang Liwanag Park na nagbibigay ng kaligayahan sa mga dumarayo rito.

Hindi lamang basta simpleng pailaw ang ginagawa ng Meralco taun-taon, dahil siniguro ng kumpanya na naipakikita rin nito ang adhikaing isulong ang energy efficiency at sustainability.

Para sa Meralco, simbolo rin ang Liwanag Park sa pangako ng kumpanya na maging katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng pag-unlad ng bansa. Magpapatuloy ang Meralco na magbigay ng maaasahang serbisyo ng kuryente sa mga industriya, komunidad, at kabahayan.

Damang-dama na talaga ang Pasko, at nakatutulong na mas mapaliwanag pa at makapagbigay ng pag-asa para sa mas maliwanag na hinaharap ang mga selebrasyon at ang patuloy na pagpupursige para makatulong at mapaunlad ang buhay ng mas marami pang Pilipino.

47

Related posts

Leave a Comment