PAGLILIPATAN NG NEW BILIBID PRISON, NAIKASA NA

MAYROON na palang lugar na nai-donate sa Bureau of Corrections (BUCOR) para sa pagtatayuan ng New Bilibid Prison (NBP), sa probinsya ng Nueva Ecija na umaabot sa 234 hectares, na donasyon ni dating General Tinio Mayor Virgilio Bote.

Ang naturang donasyon mula kay Mayor Bote ay tinanggap ni DOJ Undersecretary BUCOR Director General Gerald Bantag sa pamamagitan ng isang memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noon pang October 8, 2021.

Hindi pa ito masimulan dahil pinag-aaralan pa ng Department of Justice ang naturang kasunduan sa pagitan ni Mayor Bote at ng pamunuan ng BUCOR.

Kung ating matatandaan, nagsimula ang proyekto ng paglilipat ng NBP noon pang panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sa Tanay, Rizal subalit hindi ito natuloy dahil ‘yung lugar na inilaan ay isang watershed area.

Ikalawa ay noong administrasyon ni PNoy na hindi rin natuloy dahil hindi nakumpleto ang bidding sa pagbebenta ng iiwang lugar sa Muntinlupa at iba pang mga rekisitos at kawalan ng lugar para sa nasabing proyekto.

At ito na ‘yung pangatlong pagkakataon para sa naturang proyekto na wala nang gagastusin ang pamahalaan sa paglilipatan ng NBP at wala pang ibebentang property ang gobyerno dahil ang iiwanang lugar ng NBP ay mananatiling pag-aari ng gobyerno, hindi kagaya ng ­administrasyong PNoy na kaya nagkabalam-balam ay dahil sa pagbebenta ng property ng BUCOR.

Samantala, ayon sa pahayag ni Mayor Bote, walang gagastusin ang pamahalaan sa paglilipatan ng NBP sa kanyang lupain, na siyang ­naging pangunahing problema noon ng BUCOR upang mailipat ang NBP.

Sinabi ni Mayor Bote, naniniwala siya sa administrasyong Duterte at tuloy ay makatulong na rin sa pamahalaan kaya siya nag-donate ng lupa. Inaasahan niya na makapag-groundbreaking na sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi pa ni Mayor Bote, sa ngayon ay halos develop na ang nasabing lugar at tinawag na ito na BAGONG LUPA, na nasa paanan lamang ng Sierra Madre Mountain, at bukod doon ay dumaan na rin ito sa public hearing sa panahon ni Mayor Bote. Bukod dyan ay ready na rin aniya ang kumpanyang Agua Tierra Oro Mina (ATOM) na magsimula ng pagtatayo ng mga gusali ng NBP na walang gagastusin ang pamahalaan ng kahit isang kusing, at makapagbibigay pa ng hanapbuhay sa mga taga Nueva Ecija, katulad na lamang ng mga kailangang laborer sa gagawing kulungan at iba pa na may kaugnayan sa naturang proyekto.

Sa panayam nga po ng inyong lingkod, sinabi ng isa sa mga opisyal ng kumpanyang ATOM na ayaw nang ipabanggit ang kanyang pangalan, gagawin nila ang mga gusali ng bagong NBP, walang gagastusin dito ang gobyerno kundi magkakaroon lamang ng joint venture ang BUCOR at ATOM para sa development ng iiwanang lugar ng NBP sa Muntinlupa City.

Ang problema na lang sa ngayon para maipatupad na ang MOA at magkaroon ng groundbreaking ay ang inisyung memorandum ni Secretary of Justice Menardo Guevarra na may petsang November 26, 2021 na pumipigil sa pagsisimula ng naturang proyekto dahil sa umano’y inaaral pa ng DOJ ang nasabing MOA ng BUCOR at ni Mayor Bote, kabilang na ang pagpasok ng kumpanyang ATOM.

Aba’y bakit kaya mistulang mababalam na naman ang proyektong ito? Mayroon na naman bang kung ano? Ano ba talaga?!

‘Di ba mayroon namang RA 10575, o ang “An Act Strengthening the Bureau of Corrections (BuCor) and providing Funds Therefor,” otherwise known as the Bureau of Corrections Act of 2013.

‘Di ba puwedeng bilisan ng DOJ ang pag-aaral sa naturang kasunduan para masimulan na ang paglilipat ng NBP? Baka naman magtatapos na lamang ang administrasyong Duterte ay wala pa rin ang hini­hintay na resolution o pag-aaral ng DOJ kaugnay ng naturang proyekto! Hay Nako!!!

3

Related posts

Leave a Comment