PAGLIMOT SA BAYANI

ANOMANG kalayaang tinatamasa ng bawat Pilipino ay handog ng mga magigiting na bayaning nanindigan hanggang kamatayan para sa bayan – at hindi kailanman dahil sa mga pulitikong hangad ay magpaandar para mapansin man lang.

Pero ilan nga ba sa atin ang nakaka­kilala sa mga tulad nina General Vicente Lim, ­Josefa Llanes Escoda at Jose Abad Santos? Marahil nga kilala natin ang tatlo lalo pa’t sila ang mga mukhang sumasalamin sa salaping sanlibong piso.

Higit pa sa kanilang mukha sa pera, sino nga ba talaga sila?

Si Vicente Lim ay ang kauna-unahang Pilipino na nagtapos sa United States Military Academy sa West Point ng bansang Estados Unidos kung saan siya hinubog bilang isang mahusay na sundalo.

Sa pagiging sundalo, ipinaglaban niya ang Pilipinas kasama ang iba pang kapwa Pilipino laban sa noo’y mananakop na bansang Hapon. Namatay siyang nanindigan para sa kalayaan ng Pilipinas.

Si Josefa Llanes Escoda naman ang nagtatag noong taong 1939 ng Girl Scout of the Philippines (GSP) makaraang ­magtapos ng angkop na pag-aaral at pagsasanay sa bansang Estados Unidos. Sa kanyang adbokasiya, binigyang kahulugan ni Llanes ang papel ng bawat Pilipina. Siya rin ang isa sa mga masugid na nagsulong ng karapatan ng mga kababaihang makaboto at makalahok sa mga demokratikong proseso ng lipunang kanilang kinabibilangan.

Si Jose Abad Santos – dating Supreme Court Chief Justice – naman ay isa sa mga Pilipino na piniling manatili (bilang kahalili ng noo’y Pangulong Manuel L. Quezon) sa bansa sa gitna ng digmaan laban sa mga mananakop. Sa hayagang pagtindig laban sa mga Hapon, siya ay dinampot, ikinulong at pinatawan ng parusang kamatayan taong 1942.

Ang nakalulungkot, hindi na nga sila halos kilala ng mga kabataan, mawawaglit pa silang tuluyan sa sandaling simulan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagpapakalat ng bagong sanlibong salaping papel kung saan hindi na sila ang bida.

Walang masamang ipagmalaki ang ­ating Flora at Fauna na babandera sa ­ating bagong pera. ‘Wag lang sanang burahin ang alaalang iniwan ng ating mga bayaning dahilan kung bakit tayo ngayon ay malaya.

7

Related posts

Leave a Comment