PAGLULUNSAD NG SINGLE TICKETING SYSTEM SA NCR, MALAPIT NA

SA GANANG AKIN NI JOE ZALDARRIAGA

ISA sa mga katangian ng mga mauunlad na lungsod ay ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng transportasyon. Kabilang dito ang sistema sa pangangasiwa sa trapiko, maayos at malinaw na mga alituntuning ipinatutupad bilang gabay ng mga motorista, at ang sistematikong pagpapatupad ng batas at mga ordinansa. Para sa isang developing country katulad ng Pilipinas, napakahalaga na ang kapital na rehiyon nito ay may ganitong mga katangian.

Sa kasalukuyan, napakarami pang mga bagay at mga sistema na dapat isaayos hindi lamang sa NCR kundi sa buong bansa kaya naman maituturing na magandang balita ang pag-apruba kamakailan ng Metro Manila Council (MMC) sa Metro Manila Traffic Code of 2023 bilang gabay sa mga motorista sa loob ng Metro Manila.

Sa wakas, matapos ang halos tatlong dekada ay maipatutupad na sa bansa ang single ticketing system sa pamamagitan ng bagong traffic code. Inaasahang maiibsan na ang pagkalito ng mga motorista sa tuwing nahuhuli ang mga ito sa ibang lungsod sa Metro Manila kapag sinimulan na ang pagpapatupad nito.

Karapat-dapat pasalamatan at kilalanin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang nanguna at nagtulak na maipasa ang resolusyong inaprubahan ng MMC. Ito ay magbibigay-daan sa pagiging mas episyente ng pangangasiwa ng trapiko sa Metro Manila dahil iisang traffic code na lamang ang magsisilbing gabay ng mga motorista at enforcer sa pagpapatupad ng batas trapiko partikular na ang mga multa at parusang katumbas ng mga paglabag dito.

Sa kasalukuyan, maraming motorista ang nakararanas ng pagkalito kapag nahuhuli sa isang lokalidad. Malaking abala ring maituturing ang kasalukuyang sistema na kailangang sa lungsod kung saan nahuli, magbabayad ng multa at kukunin ang kumpiskadong lisensya. Dumarami tuloy ang mga motoristang sumusubok makipag-areglo na lamang sa mga traffic enforcer sa halip na mabigyan ng ticket at makunan ng lisensya dahil sa malalang abalang dulot ng pagtubos dito.

Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Don Artes, magiging malaking tulong ang nalalapit na paglulunsad ng single ticketing system sa Metro Manila para sa mga motorista dahil hindi na mahihirapan ang mga ito sa pagbabayad ng mga multa. Sa pamamagitan kasi ng bagong system na ito, maaari na magbayad kahit saan.

Kung iisipin, parang nararapat lang na maging abala para sa mga violator ang proseso ng pagbabayad subalit dapat din isaalang-alang na kapag ang isang sistema ay hindi epektibo at episyente, ito ay nagreresulta sa pagbaba ng antas ng pagiging produktibo ng isang tao dahil sa pagkasayang ng oras at pagod nito.

Nilinaw rin ni Artes na ang mga traffic enforcer sa mga lokal na pamahalaan ay wala nang awtoridad na mangumpiska ng lisensya ng mga mahuhuling traffic violator sa ilalim ng bagong traffic code.

Naniniwala ako na bukod sa pagkakaroon ng episyenteng sistema, bababa na rin ang bilang ng mga motoristang susubok na makipag-areglo sa mga enforcer kapag nahuhuli dahil hindi na sila maaabalang sadyain pa ang lokalidad kung saan sila nahuli para lamang mabayaran ang multa kaugnay ng kanilang naging paglabag. Nawa’y gawing ehemplo ng ibang rehiyon ang ideyang ito ng MMDA upang balang-araw, maipatupad ang single ticketing system sa buong bansa.

203

Related posts

Leave a Comment