PAGNINILAY: BARANGAY AT SK ELECTIONS 2023

DI KO GETS ni GIO ANDREW CAYANONG (GUEST COLUMNIST)

HINDI maitatatwa na sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ngayong Oktubre 30, 2023, napakahalaga na magkaroon tayo ng masusing pagninilay-nilay sa kung paano natin ito mapagtutuunan ng pansin.

Ang barangay ang pinakamalapit na yunit ng pamahalaan sa ating mga mamamayan, kaya’t ang mga eleksyong ito ay may malalim na epekto sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Una, dapat tayo ay maging mas mapanuri sa mga kandidato.

Huwag tayong bumoto base lamang sa kanilang mga kilalang pangalan o personalidad. Kung matagal na sa puwesto pero hindi naman masyadong nararamdaman ang pamumuno, aba’y palitan na sila at humalal ng bago.

Mas mabuting suriin natin ang kanilang mga plataporma at mga plano para sa barangay.

Mahalaga na ang mga lider ng barangay ay may malasakit sa komunidad at handang maglingkod sa mga mamamayan nang tapat at walang kinikilingan.

Pangalawa, dapat nating suportahan ang mga kandidato na may malinis na intensyon at integridad.

Ang mga lider na may matayog na moralidad at prinsipyong nakatuntong sa tamang halalang magsisilbing halimbawa sa ating barangay.

Huwag nating kalimutang suriin ang kanilang track record at mga nagawang proyekto o serbisyo sa nakaraang termino, kung sakali mang mayroon silang itong naitala.

Pangatlo, kailangan nating aktibong makilahok sa eleksyon. Ito ay hindi lamang responsibilidad ng mga kandidato, kundi ng buong komunidad.

Dapat tayong maging mapanuri, magpalitan ng mga ideya, at magtulungan upang mapabuti ang kalagayan ng ating barangay.

Ang partisipasyon sa halalan ay isang paraan upang palakasin ang demokrasya sa ating lokal na antas.

Sa SK elections, mahalaga rin na ating suportahan ang mga kabataang lider na may potensyal na magdala ng mga proyekto at programa na makakatulong sa mga kabataan.

Ang SK ay isang mahalagang platform para sa mga kabataan na maging aktibong bahagi ng pamahalaan at makilahok sa mga isyu at proyekto na may kaugnayan sa kanilang sektor.

Sa kabuuan, ang Barangay at SK elections ngayong 2023 ay pagkakataon para sa atin na pumili ng mga lider na tunay na makakatulong sa pag-unlad ng ating komunidad.

Dapat nating gamitin ang ating boses sa tamang paraan at pumili ng mga lider na may malasakit, integridad, at kakayahan na mamuno para sa ating barangay at kabataan.

Ang kolektibong aksyon ng mga mamamayan ang magbibigay-buhay sa tunay na demokrasya sa ating lokal na antas.

470

Related posts

Leave a Comment