PAGRESPETO SA KARAPATAN AT PAGPAPAHALAGA SA KAPAKANAN NG LAHAT

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

KAKATAPOS lang nitong Hunyo ng napakakulay na pagdiriwang ng tinatawag nating Pride Month — isang napakahalagang kaganapan para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community at mga taga-suporta nito.

Ang kauna-unahang pagkakataon na nakasama ako sa pagdiriwang nito ng pagsusulong ng kapakanan at karapatan ng komunidad ay noong nagkaroon ng Pride Parade sa Taipei. Marami kaming kaibigan na miyembro ng komunidad kaya minabuti naming sumali at maki-martsa, kaya talagang damang-dama ko noon ang nag-uumapaw na saya ng napakaraming sumama sa pagdiriwang, at pati na rin ang nakakaantig-puso na pagtanggap ng mga tao sa paligid.

Pagtanggap, pagmamahal, at respeto ang nangibabaw hindi lamang noong araw na iyon kundi sa mga sumunod pang mga kaganapan kung saan isinusulong ng napakaraming sektor ng lipunan ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng LGBTQIA+ community bago nakarating sa puntong ito kung saan kahit papaano, masasabi nating marami na ang mas nagiging bukas ang pananaw at nakiki-isa sa paglaban sa diskriminasyon sa mga kasamahan natin sa community na ito. Kinailangang dumaan sa ilang dekadang pakikipaglaban sa pang-aabuso at pangmamaltrato. Tuluy-tuloy pa rin pagtutulak ng adbokasiya na magsusulong sa kanilang karapatan.

Personally, naiiyak at nalulungkot ako kapag may naririnig akong opinyon na talagang hindi nila matanggap ang pagkatao ng mga miyembro ng LGBTQIA+. Maraming mga taong malapit sa akin ang kasama rito at sigurado akong mabubuti silang tao na wala namang ibang gusto kundi igalang at tanggapin din sila, bagay na deserve naman ng lahat ng indibidwal.

Bukod sa paglaban sa diskriminasyon, importante rin na kilalanin ang kontribusyon nila na nakatutulong sa iba’t ibang sektor dahil hindi naman hadlang ang kasarian para maging produktibong miyembro ng lipunan.

Mahalaga ang edukasyon at kamalayan sa pagdiriwang ng Pride Month dahil nakatutulong ito para mabigyan ng boses at marinig ang mga kwento ng mga miyembro ng komunidad.

Nito nga lang nakaraang linggo, tampok sa General Membership Meeting ng Public Relations Society of the Philippines o PRSP ang ilan sa mga nakaka-inspire na miyembro ng LGBTQIA+ community kagaya ng grupo mula sa MullenLowe TREYNA na nasa likod ng Right to Care Card campaign na naglalayong mabigyan ng karapatan ang queer couples sa medical decisions para sa kanilang partners. Pagsubok ito sa bansa dahil hindi pa legal dito ang same-sex unions.

Nung una kong napanood ang kwento sa likod ng adbokasiyang ito, talagang naisip ko ang mga malalapit sa akin na maaaring makaranas ng ganitong pagsubok at naisip ko talaga na hindi tama at hindi nila deserve na sa mga kritikal na sitwasyon, wala kang kapangyarihan na tulungan o mailigtas ang mahal mo sa buhay.

Totoong ang pagkilala sa karapatan ng LGBTQIA+ ay mahalagang aspeto ng ating moral at etikal na responsibilidad bilang mga miyembro ng isang demokratiko at makatarungang lipunan.

Hindi mo naman kailangan maging active para kilalanin ito. Kailangan lang natin maging makatao at maging mas bukas ang pag-iisip. Mahalaga na magkaroon ng pantay na karapatan ang lahat, mapalaganap ang pagmamahal at pagtanggap at mawala ang diskriminasyon — dahil ito naman talaga dapat ang isinusulong natin para magkaroon ng maayos na lipunan.

Hindi naman required ito, pero umaasa ako na patuloy lang ang pagsasama-sama at pagtutulungan ng mga miyembro ng komunidad at ng allies nito para isulong pa ang mga adbokasiya at adhikaing tutulong para maging mas bukas pa ang ating lipunan.

Naniniwala ako na pwedeng magkaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba dahil lahat naman tayo ay mayroong maaaring iambag para maging mas inclusive ang pag-unlad at mas maging makulay, produktibo, at progresibo ang ating lipunan.

32

Related posts

Leave a Comment