ABOT-ABOT ang pasasalamat ng health workers sa pangunguna ng pinuno ng House Health Panel na si Rep. Angelina “Helen” D.L. Tan, M.D. 4th District, Quezon, kay Pangulong Duterte sa paglagda nito upang maging ganap ng batas ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act”.
Nilagdaan na kasi ni President Rodrigo Duterte ang batas na nagbibigay mandato para sa tuloy-tuloy na benepisyo ng healthcare workers sa panahon ng COVID-19 at iba pang public health emergencies na maaaring maganap sa mga darating na panahon.
Ang Republic Act No. 11712 o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act” ay nakatakdang magbigay ng benepisyo sa lahat ng healthcare and non-healthcare workers, anuman ang kanilang katayuan sa trabaho, sa panahon ng COVID-19 pandemic o iba pang national public health emergencies na maaaring maganap.
Ayon kay Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan, na tumatayong tagapanguna ng Committee on Health ng House of Representatives, at isa sa mga may akda ng nasabing batas, na lubos ang kanyang katuwaan na matapos ang mahabang usapin at sa harap ng maraming hinaing ng ating health care workers ay mabibigyan na sila ng patuloy na mga benepisyo sa panahon ng COVID-19 at iba pang mga pandemya na maaaring maganap.
Sinabi pa ng kongresista na kitang-kita aniya na itinataguyod talaga ni Pangulong Duterte ang kapakanan ng ating workers sa health sector.
At ang paglagda nito sa naturang batas ay mahalagang regalo sa ating mga manggagawang pangkalusugan lalo na sa paggunita ng Labor Day sa bansa nitong nakalipas na Linggo lamang, Mayo a Uno.
Samantala, sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19 depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa “low-risk areas”; P6,000 doon sa “medium risk areas” at P9,000 kung naka-assign sa “high-risk areas”.
Bukod dito, ang mga nahawa ng COVID-19 habang nasa trabaho ay mabibigyan ng kabayaran: P1 million para sa mga naulila ng mga namatay; P100,000 para sa mga severe o critical case; at P15,000 para sa mild to moderate case.
Mabibigyan din ang lahat ng health care and non-health care workers ng full PhilHealth coverage.
Ang nasabing mga benepisyo ay magkakaroon ng retroactive application mula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency na idineklara ang Pangulo.
147