PAGSASAMANTALA SA PANAHON NG KALAMIDAD

DPA

SA panahon ng kalamidad, karaniwang nagtutulungan ang mga apektadong magkakapitbahay lalo na sa probinsya.

Kapag may malakas na bagyong parating, ang mga kapitbahay mo na hindi matatag ang bahay ay awtomatikong kinukupkop mo sila sa inyong bahay na mas matatag kesa sa kanila.

Nakaugalian na ‘yan sa mga probinsya dahil importanteng maisalba mo ang buhay ng kapitbahay mo na nanganganib sa parating na bagyo. Nakamulatan ‘yan ng inyong DPA, as in Deep Penetration Agent, at hanggang ngayon ay ginagawa pa ‘yan.

Pagkatapos ng bagyo, nagtutulungan ang mga magkakapitbahay para itayo ang nasirang bahay ng mga kalugar nila at kapag wala silang makain, isinasama mo sila sa ihinahanda mong pagkain.

Nakatataba ng puso ang ganitong pagtutulungan ng mga magkakapitbahay o magkakalugar sa mga probinsya sa panahon ng kalamidad. Nagdadamayan sa panahon ng sakuna gaano man kahirap ang buhay nila.

Isa sa mga inaasahan sa panahon ng COVID-19 pandemic ay magtutulungan ang mga Filipino dahil walang ibang puwedeng magtulungan kundi tayo-tayo ring mga lahing kayumanggi.

Pero nakabibiyak ng puso na marinig at malaman na may mga kababayan at opisyales ng gobyerno na imbes na tumulong para masugpo na ang COVID-19 pandemic na labis magpahirap sa taumbayan at pamahalaan ay nagsasamantala pa.

Lahat siguro tayo ay nagngingitngit sa natuklasan ng Senado na may government officials ang bumili ng mas mahal na testing machines at swabbing kits gayung namomroblema ang gobyerno kung saan sila kukuha ng pondo.

Kung totoo na bumili ang ilang opisyal ng gobyerno ng mas mahal na testing kits o doble ang presyo kumpara sa binili ng mga pribadong organisasyon na tumutulong para maligtas ang buhay ng mga tao, gusto kong itanong, may puso pa ba ang mga taong ito?

Imbes na doble ang bilang ng mga masusuri, nangalahati na lang dahil imbes na bumili ng mura, mas ginusto nilang bumili ng mas mahal kaya hindi maiwasang magduda, may komisyon ba sila?

Kung kayang bumili ng mas mura ang mga pribadong organisasyon na itinayo sa gitna ng pandemya para makatulong, bakit hindi kaya ng gobyerno? Bakit ba madalas gustong-gusto ng gobyerno bumili ng mas mahal na presyo?

Nakalulungkot din ang nabunyag sa Kamara na may mag-asawang negosyante na hino-hoard ang mga makina na gagamitin sa COVID-19 test at kailangang bumili ka muna sa kanila ng makina bago ka mabentahan ng testing kits ng mga supplier.

Madalas na itong nangyayari sa ating bansa at ang masakit ay paulit-ulit na lang nangyayari. Bakit? Dahil walang naparurusahan sa mga nakasuhan sa nagdaang anomalya.

Oo iniimbestigahan sila ng Senado o ng Kongreso pero hindi naparurusahan kaya lumalakas ang loob ng iba na gayahin ang mga dating sangkot sa anomalya dahil alam nilang wala namang mangyayari.

Hangga’t hanggang imbestigasyon lang ang gagawin sa corrupt officials, hindi magtatagumpay ang gobyerno sa kampanya laban sa mga katiwalian sa pamahalaan. BERNARD TAGUINOD

64

Related posts

Leave a Comment