PAGSASAMANTALA SA PANAHON NG PANDEMYA

SA panahon ng pandemya at krisis, maraming mga tao o organisasyon ang nagtutulong-tulong para abutan ng tulong ang mga nagigigpit at higit na nangangailangan.

Nakaka-inspire sila sa marami kaya ginagaya sila ng iba upang sa abot ng kanilang makakaya ay mayroon silang matulungang kababayan na higit na nangangailangan sa panahon ng krisis.

Pero mas marami rin ang nagsasamantala. Marami ang sinasamantala ang krisis tulad nitong kinakaharap nating pandemya sa COVID-19 para lalo silang magkamal ng salapi.

Hindi na ako magbabanggit ng pangalan pero marami na tayong naririnig na mga taong nagsasamantala sa pamamagitan ng hoarding at pagbebenta ng mas mataas na presyo ng mga personal protection equipments pati na ang mga makina na kailangan sa paggamot sa mga COVID-19 patients.

Imbes na tumulong, sinasamantala ng mga ito ang paghhirap ng mga tao para lalo silang magkamal ng salapi, Hindi mo alam kung may kaluluwa at konsensya pa ang mga ganitong tao.

Mas malala sila kesa sa mga nagtitinda sa mga palengke na kapag may bagyo otomatikong itinaas ang presyo ng kanilang paninda dahil nagtaas ng presyo ang kanilang mga suppliers.

Ang laging katuwiran, kulang ang supply at dahil kulang ang supply at mataas ang demand, otomatikong tataas ang presyo kahit yung mga paninda nila tulad ng gulay ay nabili nila bago pa man nagkaroon ng bagyo.

Hindi lang ang mga tiwaling negosyante ang nagsasamantala sa panahon ng krisis kundi ang mga mahihirap din nating mga kababayan tulad ng mga trike drivers na kung maningil ay pinakamahal sa lahat ng transportasyon sa ating bansa.

Walang itinakdang pasahe sa mga trike vehicles hindi tulad ng mga pampasaherong jeep at tricycle at ang paniningil nila ng pasahe ay depende sa kanilang konsensya… pero karamihan sa kanila wala yatang konsensya.

Mantakin mo naman, ang singil nila na pasahe mula Maypajo sa Caloocan City hanggang sa Divisoria sa bawat tao ay P150 bawat pasahero na P8 lamang sa pampasaherong jeep.

Ang katuwiran nila malayo na sa palagay ko ay isang uri ng pagsasamantala sa mga kababayan natin na hirap na hirap ngayon dahil sa epekto sa kanila ng pandemya ng COVID-19.

Sinasamantala nila ang kawalan ng pampasaherong jeep at maayos na transportasyon na hindi dapat dahil imbes na makiramay sila sa kapwa lalo na sa mga matatanda na kailangang pumunta sa hospital para magpacheck-up ay nagsasamantala sila.

Ayaw ko sanang patulan ito pero ang pinapahirapan nila ay kapwa nila mahihirap at ang masama nyan, walang magawa ang mga otoridad sa kanila kahit alam nilang pinagsasamantalahan na ang mamamayan.

Hindi bawal maghanapbuhay pero dapat ilagay rin naman natin sa tamang lugar ang paghahanapbuhay na wala silang masasagasaan dahil ang kanilang mga binibiktima ay tulad din nilang nangangailangan.

Siguro dapat na ring kumilos ang mga otoridad dyan sa Caloocan City at Lungsod ng Maynila para kontrolin ang sobra-sobrang panini ngil ng mga trike drivers dahil alam naman nila kung anong kalagayan ng mga tao ngayon.(BERNARD TAGUINOD)

73

Related posts

Leave a Comment